Overtime

BLAZERS SINUNOG ANG BOMBERS

Mga laro bukas: (Playtime FilOil Center) 11 a.m. - Lyceum vs Arellano 2:30 p.m.- San Beda vs EAC

13 October 2025

PATULOY ang pagningas ng College of St. Benilde Blazers sa NCAA Season 101 men’s basketball matapos na pataubin  ang Jose Rizal University Heavy Bombers, 73-65, kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Kumamada si Raffy Celis ng 20 puntos, 5 rebounds, 4 steals, at 2  assists upang pangunahan ang Blazers. Nagdagdag si Justine Sanchez ng 17 puntos at 6 rebounds upang iangat ang CSB sa 3-1 kartada at solong liderato sa Group B.

Angat ang Blazers, 22-19, sa pagtatapos ng first quarter  bago sila bahagyang nakalayo sa Heavy Bombers sa second canto para sa 42-34 lead sa halftime.

Nakadikit ang Heavy Bombers sa third quarter at nailapit ang iskor sa 51-55, ngunit bumawi ang Blazers sa fourth quarter at muling kumawala, 73-63, matapos ang basket ni Celis sa endgame.

Pinangunahan ni Sean Salvador ang JRU na may 13 puntos habang nagdagdag si Sanlea Peñaverde ng 11 puntos, subalit bumagsak ang Heavy Bombers sa 2-2 kartada.

Samantala, sinandalan ng Mapua University Cardinals ang kanilang mga role player sa 70-49 panalo laban sa San Sebastian College-Recoletos Golden Stags.

Nanguna sina Ivan Lazarte at Earl Sapasap sa kampanya ng defending champions na bumangon mula sa masakit na pagkatalo sa University of Perpetual Help Altas noong Miyerkoles.

Ang dating University of Santo Tomas standout na si Lazarte ay nagtala ng 14 puntos, habang nag-ambag si Sapasap ng 11 puntos at 7 rebounds upang iakyat ang Cardinals sa 3-1 kartada.

Sa panig ng San Sebastian, nanguna si Ian Cuajao na may 14 puntos, habang nagdagdag si Reggz Gabat ng 10 puntos, ngunit hindi sapat upang maiwasan ang pagbagsak ng Stags sa 1-3 rekord.

Iskor:

Unang laro

CSB (73)  — Celis 20, Sanchez 17, Morales 7, Ancheta 5, Umali 5, Moore 5, Oli 5, Gaspay 3, Eusebio 2, Cajucom 2, Galas 1, Ynot 1, Jalalon 0.

JRU (65) — Salvador 13, Peñaverde 11, Argente 9, Lozano 9, Benitez 7, Panapanaan 5, Laurenaria 5, Garupil 4, Herrera 2, Duque 0, Castillo 0, Sarmiento 0.

Quarterscores: 22-19, 42-34, 55-51, 73-65.

Ikalawang laro

MAPUA (70)  — Lazarte 14, Sapasap 11, Recto 8, Igliane 7, Concepcion 7, Nitura 6, Escamis 4, Cuenco 4, Delos Reyes 4, Gulapa 3, Callangan 2, Gonzales 0, Ryan 0, Abdullah 0, Reyes 0.

SAN SEBASTIAN (49)  — Cuajao 14, Gabat 10, Lumanag 7, Ricio 6, Segovia 5, Dela Rama 4, Castor 2, Felebrico 1, Velasco 0, Dimaunahan 0, Nepacena 0, Gomez de Liaño 0.

Quarterscores: 19-17, 38-28, 54-43, 70-49.