Overtime

BELEN, SOLOMON ‘OUT’ SA PVL ROOKIE DRAFT?

19 May 2025

MALABO pang lumahok sina National University Lady Bulldogs stars Mhicaela Belen at Alyssa Solomon sa paparting na 2025 Premier Volleyball League (PVL) Rookie Draft sa Hunyo 7.

Ayon kay Belen, humihingi siya ng senyales sa Panginoon kung sasampa siya sa PVL o susubukang maglaro bilang import sa ibang bansa.

“Hindi ko mapigilang mag-isip kung ano ang gagawin ko after UAAP. As of now, kapag matutulog na ako, iniisip ko ‘yun kasi I have choices eh, so hindi ko alam kung ano ‘yung mas gusto ko, kung ano ‘yung mas kailangan ko,” ani Belen.

“I always pray na bigyan ako ng sign ni Lord kung ano ‘yung best sa akin,” dagdag niya. “Hindi pa (alam) pero may times na may sign na ito, meron naman ito, pero wala pang final.”

Samantala, sa panig naman ni Solomon, sinabi niya na wala pa sa plano niya ang maglaro sa PVL dahil nais niyang magpahinga at subukan ang kanyang tsansa sa ibang bansa.

“Kung may opportunities overseas, sige, i-grab natin, kasi for experience na rin naman ‘yan ‘eh,” ani Solomon. “Open naman ako sa kahit ano na opportunities natin. Pero for now, I think pahinga muna.”

Ang deadline para sa pagsusumite ng aplikasyon sa PVL Draft ay nakatakda sa Mayo 23, ang mga interesadong aplikante ay dapat kumpletuhin ang opisyal na draft application form na makukuha online sa http://pvl.ph/draft.

Kapag nakumpleto na, ang form kasama ang lahat ng kinakailangang pansuportang dokumento, ay dapat ipadala sa pamamagitan ng email sa [email protected].

Upang maging kwalipikado, ang mga aplikante ay dapat na babae sa kapanganakan, ayon sa kumpirmasyon sa sertipiko ng kapanganakan na ibinigay ng PSA, dapat ay hindi bababa sa 21 taong gulang bago ang Disyembre 31, 2025.