BACK-TO-BACK WINS SA TIGRESSES
SINAKMAL ng University of Santo Tomas Golden Tigresses ang ikalawang sunod na panalo matapos na walisin ang Far Eastern University Lady Tamaraws, 25-17, 25-18, 25-20, sa UAAP Season 88 women’s volleyball kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Pinangunahan ni Angeline Poyos ang opensa ng UST sa kanyang 16 puntos mula sa 15 attacks at isang service ace. Nag-ambag din siya ng siyam na excellent receptions at apat na excellent digs para sa UST.
Nagbigay rin ng solidong suporta si Regina Jurado na nagtala ng 10 puntos at walong excellent digs, habang nagdagdag ang rookie na si Avril Bron ng 10 puntos tungo sa pag-angat ng UST sa 4-3 kartada.
Maagang kinontrol ng Golden Tigresses ang laban at napanatili ang kanilang ritmo hanggang sa huling set, gamit ang tuloy-tuloy na opensa at matibay na depensa upang mapigilan ang anumang paghabol ng Lady Tamaraws.
Idinikta ng UST ang takbo ng laro sa tatlong set sa likod ng matitinding atake nina Poyos, Jurado, at Jonna Perdido, dahilan upang hindi makabuo ng seryosong rally ang FEU.
Nagtala naman si Jazlyn Ellarina ng 10 puntos upang pangunahan ang Lady Tamaraws, na naputol ang three-game winning streak tungo sa kaparehong 4-3 marka.
Samantala, tinapos ng Ateneo de Manila University Blue Eagles ang unang round ng eliminasyon sa positibong paraan matapos walisin ang University of the East Lady Warriors, 25-19, 25-23, 25-16.
Pinangunahan ni Jihan Chuatico ang Blue Eagles matapos kumamada ng 12 puntos mula sa anim na attacks, limang blocks, at isang service ace, upang maihatid sa Ateneo sa 1-6 rekord.
Nag-ambag ng 12 puntos si Ana Hermosura mula sa 11 attacks at isang service ace, habang nagtala ng tig-10 puntos ang kapwa rookies na sina Dona Mae de Leon at Zel Tsunashima para sa Ateneo.
Sa panig ng UE, nanguna si Khy Cepada na may 13 puntos habang nagdagdag si Van Bangayan ng 11 puntos. Nanatiling wala pa ring panalo ang Lady Warriors matapos ang pitong laro.