Overtime

ANGARA: KONGRESO, DI NAGKAMALI KAY KOUAME

NANINDIGAN si Senador Sonny Angara na hindi nagkamali ang Kongreso at ang Malakanyang sa pag-aapruba ng naturalization ni Ange Kouame.

/ 21 June 2021

Ito ay sa gitna ng deklarasyon ni Angara, chairman ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), na hindi tsamba ang pangalawang pagkakataong pinataob ng Gilas Pilipinas ang koponan ng South Korea sa final score na 82-77.

Iginiit ni Angara na malaki ang naging kontribusyon ni Kouame sa sunud-sunod at walang mintis na panalo ng koponan sa qualifiers.

Si Kouame ay nagsilbing Center man ng Ateneo Blue Eagles at napabilang sa koponan ng Gilas matapos pagtibayin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturalized citizenship nito ngayong taon.

Una nang tinawag na ‘lucky shot’ ni South Korean coach Cho Sang Hyun ang bank shot ni Gilas player SJ Belangel nang magharap ang dalawang koponan noong Miyerkules sa Angeles University Foundation sa Clark, Pampanga.

Sinabi ni Angara na kakaibang gilas ang ipinamalas ng Gilas Pilipinas sa three straight wins nito sa Group A ng Asia Cup Qualifiers.

Binigyang-diin ni Angara na sa ipinakikitang bangis ng Gilas, natitiyak niyang ito na ang bubuhat sa estado ng Pilipinas sa larangan ng basketball sa mga darating na panahon.

Idinagdag pa ng senador na malaki ang pag-asa ng Philippine basketball na bumalik sa dating sigla nito dahil sa ipinakikitang galing at dedikasyon ng mga manlalaro, gayundin ng coaching staff.

Partikular ding pinapurihan ni Angara ang talino at husay ni Gilas coach Tab Baldwin na nag-akay sa koponan sa kagila-gilalas na 3-0 sweep.

Iginiit ng senador na wala nang aangkop pa bilang coach ng Gilas kundi si Baldwin lamang dahil sa mga dekalidad na basketball program nito para sa Philippine team.

Pinapurihan din ni Angara ang kakaibang husay ni Gilas center Kai Sotto na hindi kailanman pinanghinaan ng loob, bagkus, nanatiling matatag at walang inuurungang laban.

Naniniwala rin ang senador na isa si Sotto sa mga gagawa ng malaking pangalan sa bagong henerasyon ng Philippine basketball.

Pinasalamatan din ni Angara ang napakagaling na liderato nina SBP chair emeritus Manny Pangilinan at SBP President Al Panlilio, na kapwa naging instrumento sa maayos na takbo ng organisasyon.

Kaugnay nito, tiniyak ng senador na bilang opisyal ng SBP, patuloy ang kanyang pagsuporta sa anumang programa nito na mag-aangat sa Philippine basketball.