Overtime

ALAS PILIPINAS GIRLS PASOK SA FIVB WORLDS

10 November 2025

GUMAWA  ng kasaysayan ang Alas Pilipinas Girls volleyball team makaraang makakuha  ng puwesto sa 2026 FIVB Volleyball Girls’ U17 World Championship. na gaganapin sa Chile.

Nakopo ng pambasang koponan ang puwesto  matapos na pataubin ang Thailand, 25-23, 25-20, 19-25, 25-22, sa battle-for-fifth place sa 2nd AVC Asian Women’s U16 Volleyball Championship Sabado ng gabi sa Prince Hamzah Sports Hall sa Amman, Jordan.

Pinangunahan ni team captain Xyz Rayco ang pambihirang tagumpay sa kanyang unang international stint, matapos kumamada ng 30 puntos mula sa 25 attacks, apat na blocks, at isang ace.

Nakamit ng Pilipinas ang huling Asian slot matapos awtomatikong makapasok ang China bilang defending world champion bago pa ang Final Four. Ang iba pang mga kwalipikadong bansa mula sa Asya ay ang Korea, Chinese Taipei, at Japan.

“That’s really the icing on the cake,” ani Alas U16 head coach Edwin Leyva. “We only had two weeks to prepare, and at first, we were just a ragtag team. But we took it one set at a time, and now our dream came true.”

Tabla ang iskor sa 19-all sa fourth set, nagpakitang-gilas si Rayco, na nagtala ng huling tatlong puntos upang selyuhan ang panalo at ang inaasam na World Championship slot.

“I’m inspired because I’m still young, but I’ve already come this far and I know there’s still a higher level waiting for me,” wika ni Rayco.

Nag-ambag 

si Nadeth Herbon ng 16 puntos, habang si middle blocker Madele Gale ay nagtala ng 11 puntos, kabilang ang limang blocks para sa Alas Pilipinas Girls.

Nagsilbi ring paghihiganti ang panalong ito matapos ang pagkatalo sa Thailand sa quarterfinals, kung saan yumukod ang Pilipinas sa limang set sa kabila ng 2-1 set advantage.

“In the third set, we started to feel down, but in the fourth, we didn’t let it happen again because we didn’t want a repeat of our last game,” dagdag ni Rayco.

Sa kabila ng limitadong preparasyon, nagpamalas ng kahanga-hangang laro ang mga batang Filipina sa kanilang international debut — nakakuha ng isang set laban sa defending champion Japan, tinalo ang Iran para makapasok sa Final Eight, at winalis ang Hong Kong upang makuha ang puwesto sa labanan para sa ika-5 puwesto.

Nanguna sina Natacha Thongkham na may 18 puntos at Chamikon Cankawe na may 13 para sa Thailand, na nagtapos lamang sa ika-6 na puwesto.