Overtime

ADAMSON PURO NA SA V-LEAGUE TITLE

7 October 2025

LUMAPIT sa kampeonato ang Adamson University Lady Falcons matapos ang 25-18, 26-24, 23-25, 25-23 panalo laban sa Far Eastern University Lady Tamaraws sa Game 1 ng 2025 V-League Women’s Collegiate Challenge Finals kahapon sa Playtime FilOil Center sa San Juan.

Nagningning si Felicity Sagaysay sa kanyang 22 excellent sets, anim na excellent digs, at apat na puntos para mapiling Player of the Game para sa Lady Falcons.

Maaaring selyuhan ng Lady Falcons ang kampeonato sa Game 2 ng best-of-three series sa Miyerkoles sa City of Dasmariñas Arena sa Cavite.

Samantala, itinanghal sina Shaina Nitura ng Adamson University at Chris Hernandez ng De La Salle University bilang Most Valuable Players sa 2025 V-League Collegiate Challenge.

Pinamunuan ni Nitura ang Lady Falcons sa kanilang walang talong kampanya patungong Finals. Umiskor siya ng kabuuang 119 puntos na binuo ng 107 attacks, anim na blocks at anim na aces.

Bukod sa pagiging ikalawang pinakamataas na scorer sa torneo, kabilang din siya sa Top 10 sa spiking, receiving at digging—patunay ng kanyang balanseng laro sa opensa at depensa.

Si Hernandez naman ang nanguna para sa Green Spikers matapos ang pag-alis ng ilang beterano. Nakapagtala siya ng 107 puntos at nanguna sa serving, bukod pa sa mataas na ranggo sa receiving, digging at spiking.

Ang all-around na kontribusyon ng dating De La Salle Lipa standout ang nagdala sa koponan hanggang sa finals round.

Parehong pinamunuan nina Nitura at Hernandez ang V-League Supreme Team.

Sa women’s division, nakasama ni Nitura ang mga kapwa Lady Falcon na sina Felicity Sagaysay (Best Setter) at Abegail Segui (Best Opposite Spiker). Kumumpleto sa grupo sina Gerzel Petallo at Jaz Ellarina ng FEU, Zam Nolasco ng CSB, at Harem Ceballos ng Arellano.

Sa men’s division, nakasama ni Hernandez sina Issa Ousseini at Sherwin Retiro ng La Salle, Lirick Mendoza ng FEU, Gboy de Vega at Dux Yambao ng UST, at Amil Pacinio ng Ateneo.

Namayagpag si Ousseini bilang top blocker ng torneo, si Mendoza bilang ikalawang best blocker, at si Yambao bilang nangunang setter. Pinatunayan naman ni Retiro ang kanyang husay sa depensa sa pagiging lider sa digs at isa sa pinakamahusay sa receptions.