Society

HANDANG ISIP, HANDA BUKAS UPDATE

16 August 2020

DepEd, inilunsad ang mga inisyatibo ng mga paaralan ukol sa distance learning sa pagbubukas ng Handang Isip, Handa Bukas

Agosto 11, 2020 – Pormal na binuksan ng Kagawaran ng Edukasyon ang Handang Isip, Handa Bukas National Readiness Kick-off upang ipakita ang kahandaan ng mga paaralan na may iba’t ibang sitwasyon at bigyan ng maayos na perspektibo ang lahat sa isasagawa sa pagbubukas ng taong panuruan 2020-2021.

Ang programa ay nagpamalas ng sampung paaralan mula sa iba’t ibang rehiyon at nagsagawa ng distance learning. Ipinakita rin nito kung paano ginamit ng mga paaralan ang tulong mula sa kanilang mga lokal na pamahalaan at mga partner organization.

“If you see an island, if you see a medium-sized urban place or if you see a municipality [that is demonstrating how a learning modality will go about in their schools], then you can see that this blended learning is being applied in many different types of situation,” giit ni Kalihim Leonor Magtolis Briones sa ginanap na Handang Isip, Handa Bukas press conference.

Binigyang-diin din ng Kalihim na walang pagbabago sa school calendar ngayong taon kung saan nakatakda sa Agosto 24 ang pagbubukas ng klase.

“Ang [mga paaralan] ay [gagamit] ng blended learning. Walang face-to-face. At sa mga lugar na may risk assessment galing sa IATF, susundin natin ‘yong kanilang mga patakaran… As of now, 22.9 [milyon] na ang nagpapa-enroll na nagsasabi na handa silang pumasok by August 24 so bigyan natin ito ng suporta ang programang ito,” wika ni Briones.

“May mga nagsabing hindi kaya ng DepEd ‘yan, pero ilang daang taon nang kinayanan ng DepEd at ng ating mga teacher [learning delivery during crisis],” dagdag ng Kalihim.

Hindi katulad ng tradisyunal na pagbubukas ng klase, ang unang linggo ng taong panuruan ay itutuon sa pagbibigay ng psychosocial na tulong at paliwanag sa paghahatid ng distance learning, kasama ang magiging papel ng mga punong guro, guro, at mga magulang o learning support aides, saad ni Undersecretary Diosdado San Antonio.

Sa paghahati-hati ng Php9 bilyong pondo sa mga field office, iginiit din ng Kagawaran na ang mga self-learning module (SLM) na pangunahing gagamitin sa blended learning ay patuloy na ini-imprenta sa mga field office. Ayon din sa mga ulat na binigay sa Central Office, ang ibang mga field office ay maagang nakatapos ng kanilang produksyon kumpara sa kanilang target date.

“Ang mga module po ay ongoing ang production according to the Regional Directors. Most of them ay nasa 60% to 80% complete for the first quarter and by August 24 ay maidi-distribute na ito sa mga paaralan,” ayon kay Undersecretary Revsee Escobedo.

Dagdag pa rito, ilalagay ng Kagawaran ang naunang learning materials sa DepEd Commons upang ma-access na ito ng mga guro at punong guro bago ang pagbubukas ng klase.

Samantala, binigyan ng konsiderasyon ng Kagawaran ang mga lugar na nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quaratine (MECQ), kasama ang NCR at Rehiyon IV-A, sa kanilang mga paghahanda.

#HandangIsip #HandaBukas #SulongEduKalidad #DepEdPhilippines #DepEdTayo