PAGTATAPOS NG IKAAPAT NA BATCH NG BAHAY-WIKA AT MASTER-APPRENTICE LANGUAGE LEARNING PROGRAM NG KWF, MATAGUMPAY!
Matagumpay na naisagawa noong 23 Pebrero 2023 ang pagtatapos ng ikaapat na batch ng Bahay-Wika at Master-Apprentice Language Learning Program sa Brgy. Bangkal, Abucay, Bataan. Pinangunahan ito ng mga guro na sina Melody Pista at Alfie Sison. Dumalo rin dito ang kinatawan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), Pamahalaang Lalawigan ng Bataan, Indigenous Mandatory Representative ng Abucay, Bataan, Chieftain ng Ayta Magbukun sa Bangkal, Kapitan ng Brgy. Bangkal, at ng mga magulang at elder. Labinlimang mag-aaral ng Bahay-Wika at limang mag-aaral ng Master-Apprentice Language Learning Program (MALLP) ang nagtapos.
Taong 2017 nang simulan ang Bahay-Wika sa Bataan bilang kauna-unang Language Immersion Program ng KWF para sa nanganganib na wika ng Ayta Magbukun. Sa Kapasiyahan Bilang 04-H-2023 noong 23 Enero 2023 pinagtibay ng Pamahalaang Bayan ng Abucay na gawing mandatoryo ang pagpasok ng batang Ayta Magbukun sa Bahay-Wika bago pumasok sa Day Care program ng Barangay Bangkal, Abucay, Bataan.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa ng language profiling sa komunidad ng Bangkal bilang paghahanda ng ikalimang batch ng Bahay-Wika at MALLP.