PAGTATANIM NG MGA KATUTUBONG PUNONGKAHOY AT HALAMAN NG KWF, TAMPOK SA ARAW NI BALAGTAS 2022
Pangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino ang pagtatanim ng mga katutubong punongkahoy at halaman sa Araw ni Balagtas 2022 sa 2 Abril 2022, 8:00 nu sa Hardin ni Balagtas sa Orion, Bataan. Ito ay isa sa mga tampok sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan (BnP) na may temang “Muling Pagtuklas sa Karunungang-Bayan.”
Kasabay ng gawaing ito ang tradisyonal na Pag-aalay ng Bulaklak sa Bantayog ni Balagtas sa Pandacan, Lungsod Maynila at Balagtas, Bulacan.
Ang gawaing ito ay suportado ni Kgg. Antonio Raymundo Jr., Alkalde ng Pamahalaang Bayan ng Orion, Bataan sa pakikipagtulungan ni G. Isagani de Leon, ang Human Resource Management Officer ng Bayan ng Orion, Bataan.
Itinatadhana ng Proklamasyon Blg. 964, s. 1997 na pangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang paggunita sa Araw ni Balagtas tuwing Abril 2 ng bawat taón. Gayundin, inaatasan ng Proklamasyon Blg. 968, s. 2015 ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), Pambansang Lupon sa Pagpapaunlad ng Aklat (NBDB), at Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA) na pangunahan ang paghahanda, pakikipag-ugnayan, at pagpapatupad ng mga aktibidad at gawaing may kaugnayan sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan (BnP) na sa taóng ito ay may temang “Muling Pagtuklas sa Karunungang-Bayan.”
Kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan ngayon Abril 2022 ay pagdaraos ng KWF ng Araw ng Parangal bílang pagkilala sa mga nagwagi sa Talaang Gintô: Makata ng Taón, Tumula Táyo, Dula Táyo, Dangal ng Panitikan, at webinar na tatalakay sa mismong tema ng BnP.
Ang gawain ay live na mapapanood sa opisyal na Facebook Page ng Komisyon sa Wikang Filipino at Radio Television Malacañang (RTVM) batay sa iskedyul mula 08:00 nu hanggang 10:00 nt.