KWF, MAY PANAWAGAN MULI PARA SA MGA KOPYA NG TESIS AT DISERTASYON SA WIKANG FILIPINO
May panawagan muli ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa mga iskolar na magkaloob ng kopya ng kanilang mga tesis at disertasyong nakasulat sa wikang Filipino para sa isinasagawa nitong anotasyon ng mga nabanggit na pag-aaral.
Ang patuluyang proyekto sa anotasyon ng mga tesis at disertasyon ay naglalayong makabuo ng mapagtitiwalaang depositaryo ng mga pananaliksik na nakasulat sa wikang Filipino. Ninanais din nitong palakasin pa ang saliksik sa iba’t ibang larang.
Inaasahan na makatutulong ito sa mga iskolar at mag-aaral na naghahanap ng mga sangguniang may kinalaman sa kanilang sinasaliksik sa iba’t ibang disiplina.
Kabilang sa mga nagawan na ng anotasyon ang mga tesis at disertasyon sa wika, panitikan, araling Filipino, pagsasalin, araling midya, at edukasyon. Sa hinaharap, binabalak ng KWF na mailabas sa online na espasyo ang mga anotasyong ito.
Tinitiyak ng KWF na pangangalagaan ang mga nasabing kopya at gagamitin lamang para sa proyektong anotasyon.
Maaaring ipadala ang kopya ng mga naipasa nang tesis at disertasyon sa hanggang 30 Nobyembre 2020.
Para sa paglilinaw o tanong hinggil sa mga nabanggit, maaaring tumawag sa 09669052938 at hanapin si Gng. Miriam Cabila, o mag-email sa [email protected]/[email protected].