Society

JONATHAN V. GERONIMO AT ROQUE AUGUSTUS L. LAMADRID, WAGI NG PHP100,000.00 SA KWF GAWAD JULIAN CRUZ BALMASEDA 2022

31 January 2022

Nagwagi ng isang daang libong piso (PHP100,000.00) sa Gawad Balmaseda 2022 ng Komisyon sa Wikang Filipino si Jonathan V. Geronimo, PhD graduate ng De La Salle University, Manila, para sa kaniyang disertasyon na may pamagat na Pagpiglas sa Bartolina: Naratibo, Espasyo, at Bayan sa Panitik ng mga Bilanggong Politikal na Manunulat.

Ang nasabing disertasyon ay nagtataglay ng kalidad sa kritikal na pagdalumat sa wikang Filipino upang sipatin ang politikal na penomenon ng produksiyon ng akdang piitan o prison literature at ang diskurso sa umiiral na panlipunang estruktura na nagluluwal ng mga bilanggong politikal na manunulat sa kasaysayan ng bayan.

Ang kaniyang disertasyon ay isang mapanghamon na pagtatangka na palalimin ang kalikasang interdisiplinari ng mga kaalaman at mapanagutang pagharap sa mga pambansa at global na isyu sa pamamagitan ng pananaliksik.

Taglay ng disertasyon ang makabuluhang pagtatagpo at makahulugang integrasyon ng panitikan, kritika, agham-politika at araling kultural upang sipatin sa lente ng maka-Pilipinong pananaliksik ang kalagayan ng bilanggong politikal sa bansa, ang pagkatha bílang diwa at imahinatibong paglaya, at ang politika ng panitikan ng disertasyon na pagtagpuin ang iskólarsíp at panlipunang adbokasiya sa isang akademikong proyekto.

Samantala, nagwagi rin si Roque Augustus L. Lamadrid ng isang daang libong piso (PHP100,000.00) para sa kaniyang tesis masterado sa Pamantasang Bikol na pinamagatang Preserbasyon ng Wikang Manide ng mga Katutubong Minorya ng Camarines Norte, bílang pinakamahusay na tesis sa taóng 2022 ng Gawad Julian Cruz Balmaseda.

Ang saliksik ni Ginoong Lamadrid ay isang hakbang para sa pagpapauswag at preserbasyon ng wika at kulturang Manide para sa kaniyang Master ng Sining sa Pagtuturo ng Filipino sa Pamantasan ng Bikol.

Ang Gawad Julian Cruz Balmaseda ay isang gawad para sa pinakamahuhusay na tesis at disertasyon na isinulat gámit ang wikang Filipino para sa mga larang akademiko, lalo na sa agham pangkalikasan, agham panlipunan, at matematika. Layunin ng gawad na ito na hikayatin at palaganapin, sa pamamagitan ng sistema ng mga insentibo ang pagsusulat at publikasyon ng mga akdang orihinal at ambag para sa intelektuwalisasyon at modernisasyon ng Filipino.

Ang mga nagwagi ay makatatanggap ng PHP100,000.00 (net), plake, at medalya. Ang araw ng gawad ay magaganap sa 26 Enero 2022, 10:00 nu–12:00 nt sa Bulwagang Romualdez, Komisyon sa Wikang Filipino.