GCASH: WALANG DATA BREACH, LIGTAS ANG SISTEMA AT IMPORMASYON NG MGA USER
MANILA– Tiniyak ng GCash na walang nakitang paglabag o kompromiso ang mga forensic expert sa kanilang system. Ang data umano na kumakalat online ay walang katugma sa mga opisyal na impormasyon ng mga GCash user.
Ito’y makaraang sabihin ng GCash na alam ng kompanya ang tungkol sa isang online post na nagsasabing ibinebenta umano ang mga impormasyon ng mga user sa dark web. Idiniin ng kompanya na nananatili nilang prayoridad ang kaligtasan at seguridad ng mga GCash user.
Ang naturang pahayag ay may koneksyon sa lumaganap na online post na nagsasabing may data leak umanong kinasasangkutan ang GCash. Ayon sa nasabing post sa isang dark web forum, isang user ang nag-aalok umano ng data records mula 2019 hanggang Oktubre 2025 kabilang ang mga eKYC (Know Your Customer) information, mga konektadong bank account, at GCash numbers.
Batay sa listahan, sinasabing kabilang sa dataset ang parehong merchant at basic users na may mga personal na detalye gaya ng pangalan, address, trabaho, at mga valid Philippine ID. Tinatayang umaabot umano sa 7–8 milyong user accounts ang laman ng dataset na ibinebenta sa halagang hanggang $25,000 at tinatanggap lamang ang bayad sa Monero (XMR) cryptocurrency.
Gayunman, sinabi ng nagbebenta na ang lahat ng data ay “unorganized” at kailangan pang manu-manong ayusin, at makikipagtransaksyon lamang siya sa mga “existing buyers” sa dark web.
Bilang tugon sa nasabing alegasyon, agad umanong nagsawa ng imbestigasyon ang GCash, kanilang cybersecurity experts, at kaukulang awtoridad upang alamin at mapatunayang walang katotohanan sa likod ng mga alegasyong ito.
Ayon sa paunang resulta ng imbestigasyon, ang sinasabi umanong dataset sa online post ay hindi tugma sa data structure na ginagamit sa GCash system. Natuklasan din ng kompanya na ang ibang pangalan na sangkot ay hindi mga GCash users at maraming entry ang kulang, magulo, at mali ang impormasyon.
Idiniin pa ng GCash na walang anumang ebidensya na nagkaroon ng data breach sa sistema ng kanilang kompanya at ligtas ang lahat ng account at pera o pondo ng lahat ng kanilang mga kustomer.
“These findings strongly indicate that the material being circulated did not originate from GCash.
At this time, there is no evidence of any breach in GCash systems. All customer accounts and funds remain secure,” sabi ng GCash sa isang pahayag.
Siniguro naman ng GCash na patuloy silang nakikipagtulungan sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), National Privacy Commission (NPC), at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) upang masuri ang lahat ng impormasyon at matiyak na protektado ang kanilang system at mga user.
Patuloy ang GCash sa pangakong pangalagaan ang datos ng kanilang mga customer, palalakasin pa ang kanilang seguridad, at pananatilihin ang tiwala ng milyong-milyong Pilipinong gumagamit ng naturang application.