FREDDIE AGUILAR, KABILANG SA KWF DANGAL NG PANITIKAN 2021
Gagawaran ng Komisyon sa Wikang Filipino ng Dangal ng Panitikan 2021 sina Ferdinand “Ka Freddie” P. Aguilar, Eugene Y. Evasco, at Domingo G. Landicho dahil sa kanilang hindi matatawarang ambag sa panitikang Pilipino at ng kanilang pagpapahalaga at pagmamahal sa kultura, kaakuhán, at kayamanang pamana, at wika gámit ang kanilang talento sa larang na panitikan.
Si Ka Freddie Aguilar ay isang musikero na nagsulong ng awiting Pilipino at naging tanyag sa kaniyang isinulat na awit na Anak na naging daan upang makilála siyá sa industriya ng musika. Isinulong niya ang awiting Pilipino sa buong bansa at iba pang panig ng mundo. Ang kantang Anak ay naisalin sa mahigit na 25 ibang wika at nailabas sa mahigit na 50 bansa. Ginamit niya ang talento sa pag-awit upang ipakita ang kaniyang pagmamahal sa bayan. Kinilála ng senado noong 2018 sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 658 na kumikilála sa mang-aawit at kompositor sa kaniyang ambag sa sining at kultura.
Si Dr. Eugene Y. Evasco ay mahigit dalawampung taon nang nagtuturò ng malikhaing pagsulat at panitikan sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Nakapaglimbag siyá ng mga aklat, maiikling sanaysay, at mahigit sampung pananaliksik at akdang malikhain sa mga refereed literary journal. Natamo niya ang mga pambansang gawad gaya ng Mananaysay ng Taón, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, Catholic Mass Media Award, Filipino Readers’ Choice Award, National Book Award, Jaime Cardinal Sin Book Award, at Romeo Forbes Literary Competition. Naging mabulas din siyá sa larangan ng pagsasalin ng mga nobela, kuwento, at tula mula Ingles tungong Filipino.
Si Domingo G. Landicho ay tatanggap ng gawad póstumó, isa mga iginagalang at kilaláng edukador, iskolar, kuwentista, mananaysay, kolumnista, editor, nobelista, at aktor sa telebisyon at pelikula na nakapagsulát ng mahigit na 50 aklat sa iba’t ibang genre. Ang kaniyang tula ay naitampok at naitanghal sa maraming bahagi ng bansa noong 1990 bílang bahagi ng pagpapakilála ng mga programa ng Cultural Center of the Philippines. Ang kaniyang sarsuwela na “Sumpang Mahal” ay naitanghal ng UP Concert Chorus sa mga entablado sa America, Canada, at Australia. Isa sa kaniyang mga nobela na Bulaklak ng Maynila ay nagwagi sa Carlos Palanca Memorial Awards noong 2000. Naging Pangulo ng 16th World Congress of Poets na naganap sa Pilipinas noong Agosto 2000. Napili bílang isa sa 2000 Outstanding Writers of the 20th Century ng International Biographical Center Cambridge ng England.
Ang Gawad Panitikan ng KWF ay isang proyektong pangwika na nagbibigay pugay sa mga institusyon at/o manunulat na nakapag-ambag sa pagpapayaman ng panitikan ng Pilipinas. Ang mga ambag ay dapat na nagpapakíta ng pagpapahalaga sa kultura, kaakuhan, at kayamanang pamana, bukod sa pambihirang pagkasangkapan sa wikang Filipino.