ASHMATT FOR MERALCO, NAG-TRENDING!
Sa unang pagkakataon ay nagsama ang bagong kasal na sina Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli para sa isang proyekto at talaga namang pinanabikan at kinatuwaan ito ng fans at ng publiko. Meralco ang kumpanya na unang pinaunlakan ng mag-asawa, at hindi naman nakapagtataka dahil maganda ang advocacy nila- ang ipaliwanag ang electricity bills noong mga buwan ng lockdown. Kaya naman ilang oras pa lang matapos i-release ang kanilang TV ads, nag-trending na agad ang #AshMatt forMeralco sa Twitter, at napuno ng na-uumapaw na suporta para sa dalawa.
Realistic ang naging tema ng TV ads nina Sarah at Matteo, sa umpisa pa lang ay sinabi nila ang sitwasyon bilang bagong mag-asawa, at unti-unti pa lang sila natututo sa pamamalakad ng bahay nila. Ayon din sa dalawa, katulad ng ibang customers ng Meralco ay nagulat sila sa laki ng bills nitong lockdown, pero kapag inaral naman at naging bukas ang isipan, madali naman maintindihan.
Dito na inexplain nina Sarah at Matteo ang detalye ng naging proseso ng pag-compute ng bills. Hindi kasi nakapag-reading noong March at April dahil sa lockdown kaya naman estimated lang ang naunang pinadalang bills. Pero ang payo nila, kung hindi ito nabayaran ay pwedeng itabi na lang mga ito dahil noong nakapag-reading na nong May at June, actual na consumption na ang naka-reflect sa bills.
Bakit tumaas ang bills noong May at yung iba naman ay June? Dahil sa mga buwan na ito nag-umpisa na muli magbasa ng metro, at dito na naka-reflect ang actual na kinonsumo sa mga buwan ng lockdown. Dagdag pa dito, 24/7 ang mga tao sa bahay na gumagamit na appliances na nataon pa sa panahon ng tag-init, kaya hindi nakapagtataka na tumaas talaga ang bayarin sa kuryente.
Pero ayon nga sa mag-asawa, walang dapat ipag-alala dahil ang kinonsumo lang babayaran, walang labis. Kung meron anilang mga na-overestimate na nakapagbayad, pwede itong i-refund o i-credit sa susunod na bill.
Batid din nina Sarah at Matteo na hindi madaling bayaran ang tumaas na kuryente dahil sa sitwasyon kung kaya naman in-explain din nila na pwede itong hulug-hulugan mula apat hanggang anim na buwan. Siniguro din nila na walang disconnection ng serbisyo ng Meralco hanggang katapusan ng Setyembre 2020 para naman mabigyan ng panahon ang mga consumers na mag-adjust sa budget.
Positibo ang naging tugon ng netizens sa pabibigay liwanag ng dalawa tungkol sa bills, “Malaking tulong ito para mas maintindihan at lumawak ang pang-unawa ng mga tao tungkol sa kanilang bills,” sabi ng isa. “Kuha ko na kahit na nakaka-bill shock. Kung uunahin kong intindihin at unawain, less stress diba?”, ayon pa sa isang komento.
Bukod sa pagpapa-unawa, pinakilig pa ng AshMatt ang mga sumusubaybay sa kanila dahil sa makabuluhan nilang tinginan at lambingan sa tatlong ads na ito ng Meralco. Maliwanag na mahal na mahal nila ang isa’t isa, magandang umpisa ng buhay may-asawa.