Society

ALTHEA S. PABLO, WAGÎ SA TIMPALAK JACINTO SA SANAYSAY 2021

28 August 2021

Nagwagî si Althea S. Pablo sa KWF Timpalak Jacinto sa Sanaysay 2021 pára sa kaniyang lahok na “Los Baños sa Ilalim ng Mahika ni Maria.” Makatatanggap siyá ng PHP20,000.00, medalya, at plake.  Siyá ay nagmula sa South Hill School, Inc. at ginabayan ng kaniyang guro sa Filipino na si G. Karl Gabrielle De Los Santos.

Nagwagî din si Anthony E. De Jesus ng ikalawang gantimpala pára sa kaniyang sanaysay na “Un Man May Malay, Mga Hiyas ng Nakalipas.” Makatatanggap siyá ng PHP15,000.00 at sertipiko. Hinirang naman si Hanna Jane F. Ronquillo sa ikatlong gantimpala pára sa kaniyang sanaysay na “Pukaw sa Nakaraan: Balik-tanaw sa Barangay Cuta Bilang Himpilan ng Kasaysayan ng Lungsod Batangas.” Makatatanggap siyá ng PHP10,000.00 at sertipiko.

Ang mga tagapayo ng nagsipagwagî ay pagkakalooban din ng Sertipiko ng Pagkilála.

Pára sa taóng ito, gumanap bílang mga hurado sa timpalak sina Dr. Imelda P. De Castro, Dr. Emmanuel S. Gonzales, at Prop.  Alvin Ringgo C. Reyes.

Ang KWF Timpalak Jacinto sa Sanaysay ay timpalak sa pagsulat ng sanaysay pára sa mga kabataang nása baitang 7 hanggang 11. Ipinangalan ang timpalak kay Emilio D. Jacinto (1875–1899), kabataang manunulat at dakilang anak ng bayan.