TITINDIG AT LALABAN HANGGANG SA TUNAY NA TAGUMPAY
Sablay ang mga pangakong remedyo ng gobyerno para labanan at panindigan ang hanay ng mga mamamahayag na siyang patuloy na humaharap ngayon sa kumunoy ng kawalang hustisya. Palala pa ang sitwasyon dahil tila walang kibo ang kasalukuyang administrasyon sa lantarang panggigipit at panunupil sa mga pahayagang pangkampus sa iba’t ibang parte ng bansa. Tuwina nalang, bulag pa rin sa payak na katotohanan ang kasalukuyang administrasyon habang patuloy na tinatamasa ng mga mamamahayag ang sinakulong matagal nang pasakit sa kanila.
Sa kasalukuyang rehime ng Marcos-Duterte, mahalagang mapatibay ang papel ng kampus press bilang tagapagtanggol ng karapatang pantao at kalayaan ng pamamahayag. Sa loob ng mahigit dalawang dekada ng pagsupil ng kalayaan sa pagpapahayag sa ilalim ng mga sa nagdaang administrayon, naging instrumento ang kampus press sa pakikibaka para sa kalayaan ng pamamahayag at demokrasya sa bansa. Ngunit, sa kasalukuyan, tila mayroong pagkakataon na maipit muli ang kampus press sa sitwasyon ng pamumuno ng administrasyong Marcos-Duterte.
Matatandaan sa panahon ng kampanya na isa sa naging pangako ni Pangulong Bongbong Marcos na ipagtanggol ang karapatan ng mga mamamahayag sa bansa. Pero, walang hakbang ang ginawa. Mas lalo pang lumala ang sitwasyon dahil patuloy na binabalaan, binabantaan, at pinapaypayan ng pisikal ang mga pahayagang pangkampus para sa pag-uulat ng mga sensitibong isyu tulad ng katiwalian sa loob ng institusyon, paglabag sa karapatang pantao, at pati na sa isyu ng korupsyon sa pulitika. Ang ganitong uri ng pag-uugali ay hindi lamang isang paglabag sa karapatan ng mga mag-aaral na magpakawala ng malayang pananalita kundi pati na rin sa pagpapaduwal sa integridad ng kampus press bilang isang buong hanay.
Matatandaan na ang administrasyong Marcos-Duterte ay tutol sa pagpapalawig ng Anti-Terror Law na siyang nagbabawal sa kalayaan ng kampus press na nagbibigay ng karapatan sa pag-aresto at pagkulong ng mga indibidwal na itinuturing na “terorista” na maaaring gamitin upang patahimikin ang kritikal na pag-uulat sa mga patakaran ng pamahalaan. Dagdag pa rito, ang patuloy na mga atake sa mga institusyon ng midya at pahayagang pangkampus katulad na lamang sa patuloy na pagpapatahimik sa pahayagang ‘Today’s Carolinian’ ng University of San Carlos-Cebu na siyang nalalagay ngayon sa pangil ng peligro dahil sa di mapiglas-piglas na isyu ng malawakang pagpapakondena.
Nito lang din Oktubre 4 ay may pinaslang na broadcaster sa Las Piñas at ayon sa Philipine National Police (PNP), pangalawa na ito sa naitalang patay sa administrasyong Marcos-Duterte. Nakapanlulumong isipin na wala pa ring nagbago sa sistema at pamumuno ng gobyerno. Ang kawalang-hustiya, ang patuloy na pagyurak sa karapatang pangkampus, at ang puwersang pagpapatahimik sa mga mamamahayag na siyang nag-uudyok sa hubad na katotohanan ng isang bansang sakim at gahaman.
Gayunpaman, isang demokratikong karapatan ang makapagpahayag at walang sinuman ang dapat sumupil. Ang kampus press ay hindi lamang tagapagtanggol ng kalayaan sa pamamahayag kundi tagapagtanggol ng kalayaan sa bansa at tagapagtanggol ng demokrasya. Bilang mga mag-aaral, tayo ay mayroong kakayahan upang magpakatotoo at manindigan sa ating mga paniniwala, kailangan lang nating magtulungan upang maisulong ang kalayaan sa pamamahayag.
Tuwina nalang, wala ng ibang landas tungo sa pamamahayag kundi ang pagtagumpayan ito kahit na patuloy na binubusalan at binabantaan ang hanay ng mga mamamahayag. Dahil kailanma’y hindi magwawagi ang sandata laban sa pluma. Kaya’t walang bibitaw sa panahon ng matinding krisis, walang magpapatinag sa kalansing ng pera, at muli’t muli, titindig at lalaban hanggang sa tunay na tagumpay.