Student Vox

SISTEMANG BULOK

/ 26 February 2021

‘Di hamak na ang Filipinas ay isang bansang mayaman sa kultura. Bago pa man dumating ang mga mananakop, ang ating bansa’y sagana na sa kultura. Sa dakong Luzon ay makikita natin ang mga Aeta na mayroon nang panitikang mga awitin at bulong. Sa dakong Visayas ay makikita naman ang ating mga ninunong nagsiayos na ng sinaunang mga barangay na nagpapakita na tayo’y mayroon nang pamahalaan dati pa man. At sa Mindanao naman ay masusulyapan ang naggagandahang mga prinsipe at prinsesa ng mga sinaunang kaharian sa Sulu. Ngayo’y ating tanawin, sa gitna ng kayamanan ng ating inang bayan, bakit patuloy tayong naghihirap na pauswagin at buhayin ang ating kultura? Tayo nga ba ay tunay na malaya na sa kamay ng ibang lahi, o tayo’y nagpapanggap lamang upang gunitain ang isang salungat na panaginip?

Ang kultura ng ibang bansa, o kung ating gagawing mas tiyak, ang kulturang koreano ay ngayo’y binibigyan impluwensiya ang malaking bahagdan ng ating bansa. Ang nakalulungkot, ito’y inaangkin pa ng ating mga kababayan at ginagawang sarili. Ito’y mapatutunayan sa pamamagitan ng pagtanaw sa mga kalsada ng iyong lungsod. Siguradong ang paligid ay puno ng mga Koreanong pang-kasuotan, mga batang miyembro ng ‘Henerasyong Z’ na nagsasayawan at nagkakantahan ng ‘KPOP,’ at ngayo’y pati na rin ang pagkaing pang-koreano’y nagiging uso na, tulad ng tinatawag na Samgyupsal. Kung tutuusin, hindi lamang kulturang koreano ang pinipili ng mga Filipino kaysa sa sariling kultura, kundi pati na rin ang kultura ng ibang lahi tulad ng sa Estados Unidos, sa mga Hapon, sa mga Pransesa, at ang listahan ay patuloy na humahaba.

Bakit nga ba tayo ganito? Ano ang puno’t dulong dahilan? Ito ba ay dahil sa pananakop ng ibang lahi simula sa mga Kastila hanggang sa mga Hapones? Ito’y ba’y dahil sa pagkauhaw natin sa kalayaang mamili ng gusto, o dahil ba ito sa isang sistemang bulok na atin ngayong kinahaharap?

Tanungin mo ang isa sa ating mga kababayan: “Ano ang mas nakaaakit? Ang wikang Filipino, o ang wikang Ingles?” Tiyak na ang kanyang kasagutan sa tanong na iyan ay ang wikang Ingles.

Ito’y dahil ipinamalas na sa atin mula sa ating kabataan na ang wikang Ingles ang mas angkop sa panahon, ni ang ating sariling gobyerno’y pinili ang alpabeto ng mga Europeo kaysa sa baybayin na siyang alpabeto ng mga sinaunang Filipino. Ito ay dahil sa isang bulok na sistemang patuloy na nag-aantas sa atin upang gumawa ng mga bagay na nakasanayan na, kahit ito’y ‘di tama. Kamakailan lamang, ang mga ‘Indigenous People,’ o, sa ibang salita, ang mga ninuno na ating pinanggalingan ay ngayo’y pinaaalis ng pamahalaan sa kanilang mga tirahan upang gumawa ng mga gusaling ang makikinabang naman di’y ang mga dayuhan. Ito’y isa pang halimbawa ng ating tila’y pagsamba sa ibang lahi kaysa sa pag-una sa ating mga sarili.

Ito’y isang suliraning dapat lutasin at hindi dapat maging laman ng ano mang biro. Ito’y seryoso sapagkat ito’y nakatalim sa puso ng ating bansa, ang ating kultura na siyang nagsisilbing representasyon natin—kung sino tayo sa mundo, ang ating kasaysayan, at ang ating pagkakakilanlan. Sa totoo lamang, ang kalaban ng ating kultura’y ‘di natatapos sa kadahilanang mayroon tayong nakukuhang impluwensiya mula sa ibang bansa, dahil pati na rin ang ating mga sarili’y kalaban na rin ng ating kultura. Sa madaling salita, ang ating kultura’y sa sarili nito’y namamatay na rin, dahil sa kapabayaan na pahalagahan ito ng ating pamahalaan at mga mamamayan. Ngunit, kaunti lamang ang nakagugunita ng sitwasyong ito, sapagkat sila’y napapaloob sa isang sistermang bulok na kinakailangang buwagin, na nagiging dahilan kaya’t naiisip nila na mas importante ang ‘di atin. At dahil dito, nawawala ang pagmamahal at pagpapahalaga sa sariling kultura.

Simula pa man noon, ang mga bayaning kinontra ang mga bumulabog sa ating inang bayan, sina Emilio Aguinaldo, Apolinario Mabini, Andres Bonifacio, Jose Rizal, lahat ng mga bayaning ito’y ninasang ang Filipinas ay maging malaya. Ngunit hanggang ngayon, ang kanilang sakripisyo’y hindi pa rin nababayaran. Bakit? Sapagkat patuloy tayong sinasakop ng mga dayuhan, bagaman di sa paraang panteritoryo, kundi sa paraang pangkultura, pantradisyon, pampanitikan, at iba pa.

Paano natin masosolusyunan ang problemang ito? Paano natin pro-protektahan ang sarili mula sa malakas na impluwensiyang ating tinatamo sa ibang bansa, bagaman hindi mali, ay ang bayad nama’y ang ating sariling kultura. Ang sagot? Tayo—tayo lamang ang makapagbubuwag ng ating sistemang bulok. Tayo lamang ang makakikilala sa sariling atin. Tayo lamang ang makalalaban para sa ating mga sarili. Sabi nga ni Heneral Luna, ang ating tunay na mga kaaway ay hindi ang mga dayuhan, kundi tayo rin na napapaloob sa ating sariling sistemang bulok, na siyang dahilan kung bakit naghihirap ang ating inang bayan, at kung bakit tayo’y watak-watak.

Ito’y pamantasan ng bawat Filipino, ang mahalin, kilalanin, at protektahan ang kulturang Filipino. Sa dakong ito, ating makikilala ang ating mga sarili—ang kulturang atin. Buwagin natin ang sistemang bulok, at gisingin natin ang ating mga sarili mula sa paraisong hindi makatotohanan, at atin nang angkinin ang napakayaman nating kultura… para sa bayan!