KOKEY
Maliit, balat na kayumanggi, pangong ilong, at buhok na kasing-itim ng gabi— unang basa pa lang, masasabi agad na “Ah, wari ko ay Pilipino ito!” Kapansin-pansin ang mga katangian nating ito lalo na kapag tayo ay nasa ibang bansa; para bang saglit na nagiging center of attraction ang mga Pilipino. Hindi man lamang sila nag-effort na hindi ipahalata ang kanilang mga titig at bulungan.
Umaabot sa milyon ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs at Filipino migrants sa buong mundo. Ang mga naiwan naman dito sa bansa ay hindi mo malaman kung hanga o inggit kesyo sosyal at big time na raw ang kanilang kababayan. Ang hindi nila alam ay literal na dugo, pawis, at luha ang iniaalay ng mga Pilipino roon sa ibang bansa para makakayod ng sapat para sa ikabubuhay ng kanilang pamilya. Tanging tatag ng isipan ang kanilang baon upang makapanatili sa isang lugar na wala silang kilala at kaalam-alam. Ano ba ang sinasabi nila? Nasaan pati ang kanin? Wala bang videoke?
Kahirapan ang isa sa mga problemang hindi masolusyunan sa Pilipinas. Ito ang nag-uudyok sa mga Pilipino na makipagsapalaran sa labas ng bansa para kumita ng pera. Buwan hanggang taon ang tagal ng pangungulila na kailangan nilang tiisin at kasabay pa nito ang hirap na kanilang dinaranas bilang Pinoy sa isang dayuhang bansa.
Madalas silang biktima ng racism at violence. Para sa kanila ay inferior ang mga Pilipino dahil nagmula lang naman sila sa maliit [at mahirap] na bansa— mahina dahil hindi naman likas na malaki ang kanilang pangangatawan. Sinasamantala ito sa ibang bansa; pisikal at sekswal na pang-aabuso ang sukling kanilang natatanggap sa labis na pagsisilbi sa amo nila. Tahimik na lang silang hihikbi sa maliit na kwartong kanilang tinutulugan dahil kanino nga naman sila tatakbo roon? Ito ang reyalidad nila abroad.
Ito naman ang reyalidad nila sa Pilipinas. Ang mga Pilipino ay nagmimistulan ding alien sa kanilang sariling bansa. Mababasa sa dyaryo, mapapanuod sa telebisyon, mapapakinggan sa radyo, at makikita sa social media kung paanong nananatiling marginalized ang ilang sektor sa bansa. Pinagpapasa-pasahan na maging ng mga tsismoso’t tsimosa sa kanto ang isyu kaya nagkaroon na ng iba’t ibang opinyon at bersyon.
Tulad na lang ng mga Indigenous People o IP na nagmumula sa iba’t ibang sulok ng bansa— mayaman sa kultura at tradisyon. May mga nakagawian sila na hindi pamilyar sa ibang mga Pilipino. Isama na rin natin ang mga taga-probinsya na lumuluwas sa syudad para magtrabaho, mag-aral, o manirahan. Rinig nga naman ang kakaibang tono ng kanilang pananalita. ‘Yung iba, malambing; ‘yung iba, akala mo ay galit. May iba rin sa salita nila kumpara sa nakasanayang Tagalog (o baka naman Ingles) ng marami. Ano yung pamuyod? Bakit ga? Sari
sari ka mandin!
Nagsimula na silang magtawanan. Katumbas ng bawat “kakaibang” salitang binibigkas ay hagikhikan. Bawat galaw ay kinukutya. May standard kasi sila pagdating sa salita, damit, at tindig. Kapag “iba” ka, ang tingin agad sa iyo ay mababa na para bang wala kang pinag-aralan. Tatawagin ka pang jejemon kung minsan. Malingat ka nang konti ay usap-usapan ka na— daig pa ang artista. Doon sa dulo ng pila— doon ka nabibilang.
Itong mga kultura, nakagawian, at salita ay kasama naman talaga sa pagkakakilanlan ng mga Pilipino, ngunit mismong mga Pilipino rin ang hindi marunong tumanggap sa mga
pagkakaibang ito. Hindi lamang Maynila ang Pilipinas. Kailangan yata nating aralin muli ang mapa.
Big deal din ang social class. Kung sino ang sagana, sila pa ang mas binibigyan. Ang nasa laylayan ng lipunan, pumalahaw na at lahat, ay patuloy pa ring naiitsapwera. Hindi pinapakinggan ang kanilang hinaing at hindi napagtutuunan ng pansin ang kanilang pangangailangan. Madudumi at masasamang tao ang turing sa kanila dahil lamang sila ay mahirap. Kung pangdirian ng mga nagtataas-taasan ay sobra; ni respeto bilang tao ay hindi magawang maibigay sa kanila.
Ganoon din kapag usaping social status. Mayroong hierarchy na siyang ginagawang batayan ng talino at magandang asal. Mataas ang tingin sa mga doktor at abogado, subalit mababa sa mga construction worker at magsasaka. Matalino na agad ang isang tao basta nakasuot ng coat at polo na long sleeves. Mangmang naman agad kapag ang suot ay butas o may bahid ng semento at putik. Ang mga naka-pormal na damit ay naroon sa Cultural Center of the Philippines— nakaupo, giniginaw nang konti sa lamig ng aircon, at naghihintay na tawagin ang pangalan nila para tumanggap ng parangal, habang nakabilad sa araw, buhat ang kilo-kilong sako ng semento at palay, at masakit na ang balakang sa kakatayo at yuko ang mga manggagawa ng bansa.
Rebelde naman agad ang tawag sa mga kabataan ngayon. Hindi maaaring kumontra sa sinasabi ng mas nakatatanda at bastos daw ‘yon. Pati pagbibigay ng opinyon ay mali na sa mata ng iba— bata pa lang at hindi raw alam ang sinasabi. “Talak nang talak, wala namang ambag,” sabi nga ni Jam Magno. Sapilitang pinatatahimik ang kabataan lalo na sa mga talakayang politikal. Gumamit man ng sampung microphone at megaphone ay tila wala ring silbi dahil sa nagbibingi-bingihang lipunan. Gumamit na’t lahat ng ibang pamamaraan tulad ng sining at panitikan ay mata naman ang kanilang tinatakpan.
Marami pa ang patuloy na nakatago at itinatago sa dilim, naliligaw at inililigaw sa daang hindi matuwid. Ano mang pilit na kilalanin at makibahagi ay may bumabalakid na sariling atin na para bang ipinagdadamot ang sariling bansa. Saan ba sila lulugar? Kung pahihintulutan ng pagkakataon ay doon sana sa kung saan ang turing sa Pilipino ay Pilipino.