KAWALANG-HUSTISYA KAY AWRA BRIGUELA: ISANG MALINAW NA DISKRIMINASYON SA LGBTQIA+ COMMUNITY
Ang karahasan at diskriminasyon ay hindi dapat tularan at dapat ituring na krimen sa lipunan. Sa isang lipunan na sinasabing malaya at pantay ang mga karapatan ng bawat mamamayan, nakakabahala ang mga ulat tungkol sa insidenteng nagaganap ngayon. Kamakailan lamang, ang kilalang personalidad na si Mcneal Briguela o mas kilala bilang ‘Awra Briguela’ ay naaresto at napagbintangan ng iba’t-ibang kasong may kaugnayan sa isang rambulan na nangyari sa Bolthole Bar sa Poblacion, Makati. Ngunit sa likod ng mga ulat na ito, lantad ang malinaw na kawalan ng hustisya at ang hindi pagkilala sa karapatan ng mga miyembro ng LGBTQIA+ ng ilang kapulisan ng Makati.
Ayon sa mga ulat, ang rambulan na naganap ay bunga ng pagtatanggol ni Awra sa kanyang mga kaibigan na binastos at minolestiya. Ito ay isang maliwanag na indikasyon na ginamit niya ang kanyang impluwensiya upang itaguyod ang respeto at pagkakapantay-pantay. Ngunit sa halip na bigyang-katwiran at suportahan ang kanyang hangarin, si Awra ay inaresto at pinosasan ng mga kapulisan ng Makati.
Nakakalungkot isipin na sa halip na protektahan ang mga naapi, ang mga pulis ng Makati ay nagpakita ng kawalan ng respeto at diskriminasyon sa hanay ng LGBTQIA+. Ang pag-aresto kay Awra ay hindi lamang isang paglabag sa kanyang mga karapatan bilang isang indibidwal, kundi isang pagyurak sa karapatan ng bawat miyembro ng LGBTQIA+ na mabuhay nang malaya at walang pangamba. Napakasahol lang din isipin na mas pinatawan pa nila ng kaso si Awra kaysa sa mga bastos na kalalakihan na hinayaan lamang nila matapos ang rambulan. Kinalat na rin nila ang mugshot ni Awra na siyang humaharap ngayon sa kasong physical injuries, alarm and scandal, disobedience to authority, at direct assault.
Hindi maikakaila na bagamat mayroon ng mga batas at mga hakbang na ipinapatupad upang protektahan ang mga karapatan ng LGBTQIA+ community, patuloy pa rin ang walang habas na paglabag at pang-aabuso. Malinaw ang hubad na katotohanang hindi pa rin gaanong tanggap ang LGBTQIA+ community sa bansa dahil sa di-pagkilala sa dignidad at pagkakapantay-pantay sa mga kasapi nito. Sa tuwing magkakaroon ng selebrasyon ng Pride Month, umaasa ang LGBTQIA+ community na ito ay isang pagkakataon upang palakasin ang kamalayan ng lipunan tungkol sa kanilang mga karapatan at mabago ang negatibong pananaw ng ilang mga indibidwal. Gayunpaman, ang kaganapang ito kay Awra ay nagpapakita na kahit sa panahon ng pagdiriwang ng Pride Month, ang patuloy na pang-aabuso at diskriminasyon ay lantaran pa ring nagaganap.
Ang mga kapulisan ay dapat na nasa unang hanay sa pagtatanggol ng karapatan at katarungan. Ngunit sa kaso ni Awra, lumitaw ang malalim na baluktot na nangyayari sa sistema ng hustisya. Ang pagkakasangkot niya sa isang rambulan na may malinaw na layunin ng pagtatanggol ay hindi dapat naging dahilan para sa kanyang pag-aaresto at pananagutin sa mga alegasyong hindi naman niya layunin na gawin. Ang mga indibidwal na bahagi ng LGBTQIA+ community ay may karapatan sa respeto, proteksyon, at pagkakapantay-pantay, tulad ng sinasabi ng ating Saligang Batas. Gayunpaman, ang pagkakasangkot ni Awra sa isang kaguluhan at ang pagsasaayos ng mga kapulisan ng kasong may kinalaman dito ay nagpapakita ng maliit na halaga na ibinibigay sa mga karapatan ng LGBTQIA+.
Ang mga ulat at impormasyong lumalabas ay dapat bigyan ng sapat na pansin ng ating pamahalaan. Dapat magkaroon ng malalim na imbestigasyon ukol sa mga pangyayari na nagdulot ng pagkaaresto kay Awra at ang malawakang diskriminasyon na kinakaharap ng iba pang miyembro ng LGBTQIA+. Ang mga pulis na nagpakita ng kawalan ng respeto sa LGBTQIA+ community ay dapat managot sa kanilang mga aksyon at mabigyan ng nararapat na parusa.
Ang kawalan ng hustisya na nangyari kay Awra ay hindi lamang isang usapin ng personalidad, ito ay isang usapin ng karapatan at pagkakapantay-pantay sa lahat ng miyembro ng LGBTQIA+. Sa panahon kung saan dapat nating isulong ang halaga ng paggalang, pag-ibig, at pagkakapantay-pantay, hindi dapat nating payagan ang ganitong mga kaganapan na nagsisira sa pundasyon ng ating lipunan. Dahil habang nasa tuktok ng tatsulok ang mga gahaman sa kapangyarihan, patuloy na manganganib at malalagay sa pangil ng peligro ang hanay ng LGBTQIA+.
Kaya’t nanawagan tayo sa mga otoridad na magsagawa ng karampatang aksyon upang matiyak ang tamang paghahatid ng hustisya para kay Awra at sa iba pang mga miyembro ng LGBTQIA+ community na naaabuso at nababastos. Mahalaga na maging modelo ang ating mga institusyon sa pagtataguyod ng karapatan ng lahat, nang sa gayon ay magkaroon tayo ng isang lipunang walang diskriminasyon at may tunay na hustisya para sa lahat.
Sa huli, ang pangyayaring ito ay hindi lamang isang paglabag sa karapatan ni Awra Briguela bilang isang indibidwal, kundi isang paglapastangan din sa mga karapatan at dignidad ng LGBTQIA+ community. Hindi dapat tayo papayag na ang kawalang-hustisyang ito ay manatili at maging kalakaran. Dapat patuloy nating ipanawagan ang tunay na pagkakapantay-pantay, respeto, at dignidad para sa lahat ng mga tao, anuman ang kanilang kasarian o pagkakakilanlan.