Student Vox

HUWAG MASILAW SA PERA

/ 7 December 2020

Nakapanghihinayang na sa kasagsagan ng epidemyang ating kinakaharap ay nagawa pa ng gobyerno na buksan ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at pinili pa nitong mabigyan ng trabaho ang humigit kumulang 130,000 na mga Chinese kaysa sa mga Pilipinong negosyanteng nakatengga ngayon matapos isinara. Dahilan ng pagbubukas ay ang natanggap na ulat galing sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na magandang report hinggil sa “economic benefits” ng offshore na siyang nagtulak kay Pangulong Duterte na ipagpatuloy nito ang kanilang negosyo. Ngunit kung iisiping mabuti, hindi makatarungan ang naging pasya ng gobyerno sapagkat noon pa man ay may bahid na ng kataksilan, kasakiman, at kahibangan ang imahe nito.

Malinaw na ang lahat ng ito ay “money mindset” lamang dahil naisip ng gobyerno na malaki ang kikitain ng POGO’s kaya’t malaki din ang maibibigay nitong buwis para mailaan sa dagdag ayuda ng gobyerno sa kalagitnaan ng pandemya. Ngunit hindi man lang napag-isipang maiigi ng gobyerno na kapag hihintulutan itong magbukas, manganganib din ang buhay ng ating mga mamamayan sapagkat karamihan sa mga empleyado nito ay Chinese at sa Tsina rin nagmula ang bayrus na COVID-19. Tiyak, dagdag kalbaryo na naman ito sa ating lipunan na siyang lalong magpapalala sa kinakaharap ng ating mga mamamayan.

Malaki man ang maiuuwing buwis ng gobyerno galing sa kita ng POGO’s pero sa katunayan, nanlilimahid ang mga perang ito na siyang masasabing malaking kasinungalingan. Kung ang PAGCOR ang kakausapin, nasa Php 7 billion daw ang naikolekta ng gobyerno galing sa bayad at lisensya ng kompanya ngunit katiting lamang ito sa malawakang tax evasion ng mga POGO’s. Malinaw sa pahayag ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nasa P50 bilyon na franchise, corporate, at iba pang taxes ang hindi bayad ng mga POGO.

At habang patuloy sa kalakaran ang POGO’s, dumadami rin ang bilang ng krimen sa bansa at kung ang pulisya ang kakausapin, may kinalaman ang lahat ng ito sa mga parukyanong Chinese na labas-masok sa bansa. At ang masaklap pa dito, karaniwang mga bata, binatilyo at dalaga ang kinikidnap ng mga kapwa Chinese at pinatutubos nang malaking halaga. Ito ang dahilan kung bakit laganap ang prostitusyon sa bansa at makikita sa mga “online apps” kagaya ng WeChat at Telegram ang mga trafficked women na siyang ginagawang pulutan para pagkakitaan.

Dagdag pa rito, naging dahilan din sa pagdami ng Chinese nationals dito sa bansa ay ang tinatawag na “Pastillas” bribery scheme na kung saan sangkot dito ang mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI). Kapalit ng suhol na P10,000 bawa’t tao, pinapapasok nito ang mga empleyadong Tsino ng mga POGO’s kahit paman hindi kompleto ang papeles nito. At ayon nga, noong Pebrero 27 ay nagbitaw sa kanilang trabaho ang humigit-kumulang 800 na trabahante ng immigration buhat nang masangkot sa bribery scheme.

Gayunpaman, hindi naman mali ang hangad ng gobyerno sa pagbubukas ng POGO’s lalo na’t malaki ang ambag nito sa ating ekonomiya at pati na rin sa pondong maibabahagi nito sa ating mga mamamayan. Ngunit, hindi talaga angkop ang nais ng gobyerno at hindi rin nararapat na magpatuloy nalang sa kalakaran ang POGO sa bansa bunsod ng kakulungan ng pundo. Tuloy, tayo palagi ang pugad ng prostitusyon, korupsyon, at walang humpay na krimen na siyang patuloy na ginagawa ng mga abusadong indibidwal.

Kaya’t sa mas lalong madaling panahon, dapat maitigil na ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa at nawa’y magising na sa katotohanan ang ating gobyerno sa ginagawa nitong kataksilan, kasakiman, at kahibangan. Maging pamukas-mata din sana ng gobyerno ang mga nangyayaring katiwalaan sa hanay ng POGO lalo na’t malawak na ang pinsalang naidulot nito sa ating bansa. At panghuli, dapat manindigan na ang ating gobyerno at huwag hayaang masilaw ito sa pera!