Letters of Youth

UMUSBONG: “PAGKAKAISA AT PAGMAMAHALAN BUNSOD NG KAMALASAN”

/ 7 July 2021

Sa isang lugar na napapaligiran ng maraming tainga, mata at bibig ay umusbong ang natatanging pagkakaibigan at pag-ibig. Sa pook na ang nakatira ay mistulang aso’t pusang panay ang bangayan at awayan, ay hindi inaasahang aabot sa pagkakasundo at pagkakaintindihan na ang nagbunsod ay isang kamalasan.

Taong ika-30 ng Enero taong 2020, ng kumalam ang sikmura ng patay gutom na panahon na naging dahilan ng pagkitil niya ng maraming buhay. Bagaman ito’y nararanasan ng bawat isang Pilipino, ay ito pa ang naging dahilan upang mag-buklod, magkaisa, at nagpatibay ng loob ng mga tao, at ng paniniwala nila sa diyos.

Bumalik tayo sa sistema na kung saan ay wala pang ganitong krisis at pandemya. Sa lugar naming panay ang hiyawan, awayan, at kaguluhan na dapat pa nga silang matuwa dahil walang nagpapahirap, subalit nang dumating ang panahon kung saan nagigipit ang mga tao, ay dun pa lang mismo sumulpot at umusbong ang salitang pagkakaisa, at pagtutulungan. Dahil sa hindi inaasahang kamalasan.

Gaya na lamang sa komunidad na aking kinalakihan, sa kapit bahay na amin ng nakasanayan, ang ingay na laging naririnig araw-araw dahil sa away. Napalitan isang iglap, nagbago na ang lahat. Kung sabagay nabigyang linaw na ang kanilang pananaw sa buhay, at nagkaroon na ng halaga ang bawat isa. Ang dating sigawan sa aming pook ay binalot ng katahimikan, ang kaguluhan ay binura ng pagtutulungan, at ang awayan ay napalitan ng pagmamahalan.

Lahat ng lugar ay isinailalim sa tinatawag na quarantine dahil sa patuloy na paglaki ng bilang nang nagkakaroon ng virus sa ating bansa, maging sa buong mundo. Napakahirap nito para sa lahat ng nasa mababang antas ng lipunan, dahil apektado ang kanilang kabuhayan, subalit hindi lang naman sila ang dehado kundi pati na rin ang iba’t ibang sektor ng ating ekonomiya lalo na ang sektor ng agrikultura. Marahil nararanasan ito ng mga mamamayan, subalit may maganda naman itong hangarin kung kaya’t isinagawa itong quarantine, dahil para na rin ito sa ating kaligtasan sa kalaban na hindi natin nakikita.

Bagaman ang mga mahihirap o nasa mababang antas ng lipunan ay nawalan ng trabaho, ay hindi naman sila pinabayaan ng ating gobyerno. Kumilos ang ating gobyerno upang masolusyunan ang kinakaharap na sigalot ng bawat mamamayan. Tulad na lamang nang pamamahagi nila ng mga tulong at ayuda at pagpapatupad ng mga batas na sumasailalim sa kaligtasan ng bawat isa.

Masasabi ko na malaki ang pagbabago sa relasyon at ugnayan naming magkakapitbahay ang nangyayari ngayon, simula noong nagkaroon ng ganitong pandemya.

Kung noon, panay ang away, sigawan, kaguluhan, bangayan, at halos ay walang katahimikan kung ikukumpara sa ngayon, ay nag-iba na ang ihip ng hangin, nagbago na ang lahat. Ang mga magkakahanggan ay nagkaroon na ng magandang ugnayan sa isa’t isa, nagtutulungan na sa lahat ng bagay, nagkakaunawaan na, mayroon ng malasakit, at pagmamahal.

Sinasadya ang sadya!

Pinapakay ang pakay!

May ibig sabihin ang lahat ng nangyayari sa ating mundo. At itong pandemyang nararanasan natin ang patunay sapagkat kung ating iisipin na kung hindi dahil sa ganitong sitwasyon, ay malamang sa malamang walang pagbabagago ang ugnayan namin sa aming kahanggan. Mananatili kaming magkaka-away, panay ng bangayan, at ang komunidad namin ay puno pa rin ng kaguluhan.

Kaya masasabi kong, may dahilan ang bawat pagsubok, may sagot sa katanungan, at higit sa lahat may ipinapahiwatig ang Diyos amang lumikha kung bakit natin nararanasan ang pagsubok ng buhay.