TUNAY NA DIWA NG BUWAN NG WIKA
Bilang pakikiisa ng Lungsod Makati sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, taunang isinasagawa ang Timpalak Bigkasan. Ito ay patimpalak sa larangan ng pagbigkas ng talumpati sa anyong patula. Hinihimok ang lahat ng Junior High School sa Makati na magpadala ng kinatawan para sa dalawang kategorya- Prinsipe at Prinsesa ng Bigkasan. Napili ako upang maging pambato ng MakSci (Makati Science High School) hindi lang isa o dalawang beses kundi tatlong magkakasunod na taon pa!
Naging kinatawan ako ng MakSci sa naturang patimpalak sa mga taong 2017, 2018, at 2019. Noong 2017, hindi ko maitago ang kaba dahil bukod sa takot na mabulol, napakalaki ng lugar na pagdarausan at napakaraming tao. Hindi tulad ng ibang mambibigkas, wala akong mga kaklaseng nakapanood dahil mayroong gawain sa paaralan. Sa kabila ng pagkautal at ilang segundong paghinto ay tila nabunutan ako ng tinik nang maitawid ko ang pagbigkas. Sa ganap na iaanunsyo na ang mga nagwagi, bumalik ulit ang daga sa aking dibdib. Nang banggitin ng tagapag-anunsyo ang mga katagang “kalahok bilang labingtatlo”, napatingin ako sa numero sa aking asul na barong tagalog na binili pa namin ng nanay ko sa Baclaran. Ang dating kaba ay napalitan ng walang-pagsidlang tuwa dahil ako ang itinanghal na Prinsipe ng Bigkasan 2017!
Noong 2018 naman, kahit ikalawang beses ko nang sasabak sa patimpalak, ang mga pag-aalinlangan ay parang noong una pa rin. Bagaman mas maliit ang bulwagan at mas kakaunti ang mga manonood kumpara sa dati, nakakapanindig-balahibo pa rin ang magsalita sa harap ng maraming tao. Dahil may pagkamalayo sa aming paaralan ang pagdarausan, wala ulit akong mga kaklaseng nakapanood. Katulad noong nakaraang taon, kahit may ilang pagkabulol at ilang segundong pagkautal, nakahinga na ako nang maluwag pagkatapos kong magsalita. Sa pagkakataong iaanunsyo na ang mga nagsipagwagi, ang kaba ay katulad pa rin ng dati. Nang sambitin ng tagapag-anunsyo ang mga katagang “kalahok bilang lima”, napatingin ako sa numero sa aking puting barong tagalog na sa Baclaran muli naming binili. Ang walang-pagsidlang sayang naramdaman ko noong 2018 ay parang salamin ng nakaraang taong 2017. Itinanghal akong Prinsipe ng Bigkasan 2018 sa ikalawang pagkakataon!
Taong 2019, dahil ako ay nasa ikasampung baitang na, na siyang huling baitang sa Junior High School, iyon na ang ikatlo at huling beses kong pagtungtong sa entablado ng Timpalak Bigkasan. Sa sobrang galak at pagmamalaki pa nga ng aking tagapagsanay, isinulat pa niya mismo sa piyesang bibigkasin ko ang mga katagang “Itong huling laban ko sa larangan ng bigkasan, ako po’y mag-iiwan…” na tanda ng huli kong pagsali sa patimpalak. Katulad ng nakaraang dalawang taon, hindi ko pa rin maiwasang kabahan at ang mga kamay ko ay kasinglamig pa rin ng dati. Pero may mga ilang bagay na nagbago na napansin ko na bago pa man dumating ang araw ng kompetisyon. Habang nag- eensayo pa lang kami ay sinabihan na ako ng aking tagapagsanay na manonood ang aking mga kaklase- hindi tulad ng dati na hindi sila nakanood.
Sa nagdaang dalawang taon din, tinatanong ko ang aking tagapagsanay kung anong kulay ng barong tagalog ang gusto niyang isuot ko. Kung noong 2017 ay asul at noong 2018 ay puti, ang isinuot ko noong 2019 ay gradient na asul na hiniram lang sa isang guro- hindi tulad ng dati na binili pa sa Baclaran. Mayroon ding pagbabago sa kinalabasan ng pagbigkas ko. Noong 2017 at 2018, nahinto at nakalimot ako nang ilang segundo, nautal, at bahagyang nabulol ngunit noong 2019 ay hindi ako nautal o nabulol ni isa. Dahil sa maayos ko namang nabigkas ang piyesa, katulad ng dati ay nabawasan na ang kaba na aking nadarama. Dumating na ang puntong pinakahihintay ng lahat, ganap nang iaanunsyo ang mga kalahok na nagwagi. Katulad ng dati, muling kumapit ang kaba, nerbiyos, at takot sa aking katawang-tao. Nang sabihin ng tagapag-anunsyo ang mga katagang “kalahok bilang pito”, napatingin ako sa numero sa aking gradient na asul na barong tagalog na hiniram ko sa isang guro. Napatingin din ako sa aking mga kaklaseng nakapanood. Naglakad na ako sa gitna ng entablado upang tanggapin ang gantimpala. Pero nagbago ang ihip ng hangin. Hindi tulad noong 2017 at 2018 na ako ang pinangalanang Prinsipe ng Bigkasan, noong 2019, itinanghal lang ako bilang Prinsipe ng Bigkasan 2019- Ikatlong Gantimpala.
Pagkatapos ng patimpalak, naging palaisipan sa akin kung bakit kaya hindi ako ang naging kampeon. Dahil ba ‘yon sa mga pangyayaring hindi katulad ng dati? Bakit kung kailan pa nanood ang mga kaklase ko ay doon pa ako natalo? Baka naman malas ang sinuot kong barong tagalog? O di kaya’y may anting-anting at kung anong agimat ang barong tagalog kapag sa Baclaran binili kaya ako nanalo noong 2017 at 2018? At ang pinakanakapagtataka sa lahat, bakit kung kailan pa ako hindi nautal o nabulol at hindi nakalimot o nagkamali ay doon pa ako natalo? Sa totoo lang, naging masakit iyon para sa akin dahil alam kong ginawa ko ang lahat ng makakaya ko. Ganoon talaga yata kapag may mga bagay na hindi mo kaagad matanggap, kung ano-ano ang tumatakbo sa isip mo. Iyong tipong naghahanap ka ng mga bagay na sisisihin o papansinin kaya naman nakakatawang isipin na kahit simpleng barong tagalog, mga kaklaseng nakapanood, at ultimo pagkautal at pagkabulol ay nasisi ko kung bakit ako natalo.
Naisip kong dapat pa nga akong magpasalamat dahil hindi na ako gumastos pa para sa barong tagalog. Naisip ko ring hindi malas ang barong tagalog na hiniram at lalong walang anting-anting o agimat ang barong tagalog ng Baclaran. Hindi naman nakikita sa ganda, halaga, pagiging bago o luma ng kasuotang suot mo sa isang patimpalak ang tunay na diwa ng Buwan ng Wika. Ang tunay na diwa ng Buwan ng Wika ay nakikita sa pagkakaunawa mo sa tema ng pagdiriwang at paglilinang sa wikang Filipino. Hindi ako dapat manghinayang na dumalo sa kompetisyon ko ang mga kaklase ko. Lalong-lalo na ay hindi ako dapat mahiya na kung kailan sila nanood ay doon pa ako natalo. Dapat pa nga akong matuwa dahil maraming kamay ang humagod sa aking likod, maraming labi ang ngumiti, maraming mata ang nangusap at bumati, at maraming kamag-aral ang sumuporta at naniwala. Dapat akong matuwa na nanood ang marami kong kamag-aral dahil naisalin ko sa kanila sa pamamagitan ng binigkas kong piyesa ang pagpapahalaga sa wikang Filipino. Ito ang tunay na diwa ng Buwan ng Wika, nagagawa mong maibahagi sa iyong kapwa ang pagmamahal mo sa wikang Filipino.
Naisip ko rin kung bakit ko gugustuhing mautal o mabulol sa pagbigkas para lang manalo tulad ng dati. Dapat nga ay mas matuwa pa ako na hindi ako nahinto at nakalimot dahil tanda ito na naging mas mahusay na ako sa larangan ng pagbigkas. Bagaman hindi ako nautal at hindi nakalimot, marami pa akong kakaining bigas at marami pang mga bagay ang dapat kong matutuhan. Ito ang tunay na diwa ng Buwan ng Wika, sa pamamagitan ng mga patimpalak, nahahasa ang kasanayan ng mga mag-aaral at nagagawa pang pagbutihin at pandayin ang mga talento ng mga ito.
Hindi ako dapat malumbay na natalo ako dahil isa itong testamento na humahaba na ang galamay ng Buwan ng Wika at lumalawak na ang impluwensiya nito. Nagagawa na nitong abutin at himukin ang mga mag-aaral na dati ay nahihiyang makilahok sa pagdiriwang. Dapat pa nga akong magalak na iba na ang nanalo dahil patunay ito na marami pang mag-aaral ang may dunong at talento pagdating sa bigkasan. Ito ang tunay na diwa ng Buwan ng Wika, naanyayahan at naeengganyo ang mga mag-aaral at kabataan na lumahok sa mga patimpalak bilang pagpapakita ng pagkilala sa wikang Filipino.
Kung hindi barong tagalog, mga kaklaseng nanood, at pagkautal o pagkabulol ang dahilan kung bakit ako natalo, e ano ang dahilan? Hindi ko rin alam pero isa lang ang sigurado ko. Isa sa pinakamahalagang salik sa patimpalak ay ang panlasa ng hurado. Hindi maituturing na patimpalak ang isang patimpalak kung walang mga hurado at hindi maipapakilala ang nagwagi kung walang mga hurado. Sa tingin ko, kaya hindi sa akin iginawad ng mga hurado ang titulong “Prinsipe ng Bigkasan 2019” dahil maaaring sa paningin nila ay mayroon akong maling nabigkas o may kung anong kulang sa aking nagawa kahit na sa paningin ko ay wala naman o maaaring kahit hindi ako nagkamali ay sadyang mayroong mas magaling kaysa sa akin na mas karapat-dapat para sa titulo.
Hindi ako dapat malungkot na hindi ako ang tipo ng mga hurado para manalo. Kung ang batayan ko ng pagkapanalo ay kung sino ang itinanghal na kampeon, oo, natalo ako. Pero kung ang batayan ko ng pagkapanalo ay ang pinakalayunin ng Buwan ng Wika, nanalo rin ako! Lahat ng sumasali sa mga timpalak bigkasan ay panalo lalo na kung naitawid mo nang maayos ang mensahe ng piyesa mo at nagawa mong magsalita sa harap ng napakaraming tao. Sa sandaling nagsalita pa lamang ako sa entablado ay nanalo na ako sapagkat maaaring nang dahil sa talumpati ko ay mayroong isipan at pananaw tungkol sa wikang Filipino ang nagbago. Hindi mapapantayan ng kahit anong parangal, plake, at salapi ang sarap sa damdaming mararamdaman mo dahil alam mong naging mabuti kang tagapagtaguyod ng wikang Filipino.
Dahil sa nangyari noong 2019, napagtanto ko kung ano nga ba talaga ang layunin ko kung bakit ako sumasali sa mga patimpalak tuwing Buwan ng Wika. Kung ang dahilan ko ay para manalo lang ng premyong salapi, mali ang layunin ko dahil pera lang ang habol ko na mauubos lang din naman. Kung ang dahilan ng pagsali ko ay upang umani lang ng maraming plake at tropeo, mali ito dahil ang plake at tropeo ay nasisira at kinakalawang lang din naman. Kung ang dahilan ko naman ay upang palakpakan, hangaan, at tingalain lang ng maraming tao, mali rin ito dahil dapat ang layunin mo sa pagsali sa mga patimpalak ay makabuluhan at mayroong malalim na pinaghuhugutan.
Sa totoo lang, kahit hindi man natin aminin, talaga namang mahalaga para sa atin ang manalo sa mga patimpalak. Minsan ay mahalaga rin sa atin ang kinang ng medalya o laki ng tropeo. Madalas, ang dahilan pa nga ng pagsali natin ay ang premyong salapi na kalakip nito. Kung minsan pa nga ay hinahanap-hanap din ng mga tainga natin ang lakas o dami ng palakpak. Ngunit mayroon pang mga bagay na mas mahalaga. Higit na mas makabuluhan ang ambag mo sa lipunan sa tulong ng wika kaysa sa mga pansariling interes. Mas mahalaga na maipakita mo ang pagmamahal sa wika sa tulong ng mga patimpalak. Maipapamalas mo ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng panitikang Filipino, panonood ng pelikulang Pilipino, pagsusulat ng mga tula at maikling kwento, pakikinig sa musikang Pilipino, at higit sa lahat, patuloy na pagsambit at paggamit ng wikang Filipino na siyang pagkakakilanlan at kaluluwa ng Pilipinas. Gawing instrumento ang wikang Filipino upang paunlarin ang sarili at ang kapwa Pilipino. Mahalin ang sariling atin, itaguyod at ipagtanggol ang wikang Filipino, at patuloy na payabungin ang kontribusyon sa wika sa anumang kapaki-pakinabang na paraan, Agosto man o hindi. Ito ang tunay na diwa ng Buwan ng Wika at ito ang Buwan ng Wika story ko!