THE BANYO QUEEN
Sa aming tahanan, isa sa mga paborito kong destinasyon ang banyo. Gayong sasalubong sa iyo ang misteryosong boltu sa inidoro o kaya naman ay ang natuyong amoy ng ihing hindi binuhusan, hindi ito naging rason para ito ay aking kamuhian. Tipikal na itong paglugaran kung sasagutin ang tawag ng kalikasan o may isang himalang nagbabadyang maganap.
Hindi kalakihan ang aming banyo, siguro ay sapat dito ang anim hanggang pitong kataong may katamtamang laki ng katawan; kaya kapag naupo ka sa trono, kolokyal na bansag sa inidoro, tanaw mo na ang kabuuan nito. Agaw-pansin diyan ang tiles na kulay asul at puti na butas-butas pa nga’t kalimitang pinamamahayan na ng mga uod, aluhipan, gagamba, at ipis; aba’y ginawa pa nga nila itong Manila Zoo! Hindi rin nagpakabog ang mga nakahilerang kagamitang panligo: makukulay na lagayan ng shampu at kondisyuner, tatlong magkakaibang sabon, loofas, panghugas ng ari, at iba pang sari-saring panglinis ng katawan.
Tinagurian akong banyo queen kasi napakatagal kong gumamit ng banyo. May mga tao sa bahay na pinangungunahan na ang kanilang sikmura kung kailan mag-“ebak”weyt kaysa naman ang maghintay pa na matapos ang aking terminong aabot nang mahigit isang oras. Kahit nga simpleng paghilamos, pag-ihi, at paghugas ng kamay ay inaabot ng siyam-siyam.
Ito na siguro ang nagsilbing pasyalan buhat nang sakupin tayo ng pandemya. Dumantay ang aking sarili sa apat na sulok nito habang hinahabi ang mundong malayo sa reyalidad na aking tinatakasan. Maraming nagbago sa buhay sa ilalim ng krisis, isa na roon ay iyong pagkabatid na gigising ka na lang araw-araw para maghintay sa gabi at matutulog para maghintay sa umaga. Pilitin mo mang maging masikhay, sistema ko na ang umaaray. Parang uod sa banyo na kapag binudburan ng asin ay hindi makagalaw, walang magawa kung hindi hayaang lamunin ng pagkapunit.
Paulit-ulit,
tumitiklop,
pinupunit,
pinupunit,
tumitiklop,
nang paulit-ulit.
Saksi ang kubetang ito sa bawat lungkot, sakit, pait, at hapding pilit hindi ipakita sa nakararami. At sa mga oras na sobrang ingay ng mundo, isasara ko lang ang pinto at panandaliang katahimikan na ang isusukli nito.
Marami mang laban na hindi naipanalo, saksi ang kubetang ito sa mga pagkukuwaring bitbit ang tropeo mula sa laban na dinaluhan. Iyong pagkaway sa marami, ang ingay na tubig mula sa gripo na kumakatawan sa ingay ng palakpakan ng mga tao. Saksi ito sa mga pagnanais kong hamunin ang daluyong ng buhay, iyong pagkukunwari na naglalakad sa napundar na bahay, iyong halimbawang binibisita niyo ang iba’t ibang bansa, iyong maibalik sa mga taong umagapay sa iyo ang lahat ng sakripisyong kanilang ginawa.
Saksi ang kubetang ito sa pagtanghal sa akin bilang Miss Universe. Saksi siya sa pagsigaw ko ng Marilag Odtohan, 24, Philippines! Iyong mistulang rumarampa ka sa kahabaan ng runway ng isang fashion show, umaawra sa harapan ng mga nag-uungusang ilaw ng kamera. Hindi rin papatalo riyan iyong pagiging singer, dancer, performer, entertainer, pag-rebut sa mga sagutang hindi nagawang ipanalo dahil nahila ng hiya, maging ang dila.
Parang mas kilala pa nga yata ako ng kubeta kaysa sa sarili kong pamilya. Nakatatawa mang pakinggan, pero parang kadikit na ng pusod ko ang kubetang ito; dahil na rin siguro sa kakulangan niya ng lakas na manghusga na primaryang ginagawa ng mga taong hindi pagod na may makitang mali sa iyo. Kahit kasi na maghubad ka sa teritoryo ng kubeta, wala siyang imik, makita man niya ang flaws ng iyong katawan, stretch marks, discoloration ng balat, tigyawat, amoy, hindi pantay na kulay ay wala kang maririnig. Sa karamihan parang wala kang karapatan na maging maganda sa paraang ikaw. Na parang lagi kang dadaan dapat sa kanilang panghuhusga para masabi nilang pasok ka sa batayan ng “tunay na kagandahan”. Hindi ko na rin alam pero lagi akong tinuturuan ng kubeta na I should not let the eyes of the people define the identity that is already beautiful.
Bunsod nito, mas lalo akong naging bukas sa kanya higit sa usapin nang pagpapaunlad ng aking pagsulat at pakikibaka. Natatakot ako noon na sumulat at umabante sa prontera ng kampanya ng mga kapwa-estudyante at mamamayan, pero paunti-unti, mas namumulat akong walang dapat ikahiya rito. Sa mga oras na nawawalan ng maneho ang aking panulat, kubeta ang takbuhan para makapagpatalas ng mga salita, ideya, at konsepto. Ilang bulto man ng mga aswang ang sumalubong, binanyuhay naman ng mga karanasan at pagkatuto ang aking panulat bilang isang buntot-paging handang manakmal.
Kailangang umusad at umunlad. Hangga’t may paniniil, mananatiling magkatunog ang salitang paglaban sa mamamayan.
(kumakatok) “Matatapos ka na ba riyan?”
Sa pinakadiri-diriang rason, lagi nating hahanapin ang kubeta, maging sa mga rason na hindi natin magawa sa harap ng iba. Tinuruan ako, alam kong maging kayo, ng kubeta para maging matatag at ipaalala na ang mga pagsubok na ating kinahaharap ay binubuo tayo para sa muling paglalayag. Tinuruan na huwag ipagkait sa sarili ang huminga at magpahinga sa panahong bugbog na tayo ng pangangailangan ng mundo. Ngayon, nakikita ko na ang liwanag na sumisilip sa ilalim ng iyong pinto, handa na akong harapin ang buhay kahit may kaunting kirot. Salamat sa hindi panghuhusga, salamat sa pagpapatatag, at salamat sa pagpapaalala na ako ay buhay, humihinga.
Hanga ako sa iyo kasi napakaraming luha, pagkabahala, at mga alaala ang iyong nadadala mula sa iba’t ibang tao. Banyo, kubeta, mananabe, kasilyas, parausan, paliguan, palikuran, batalan; kahit alin pa sa mga iyan ang gamitin para ikaw ay ilarawan, hindi na rin ako magtataka kung bakit CR o “comfort” room ang tinatawag sa iyo ng karamihan.
Naglangitngit sa pagbukas ang pinto. May tunog sa background: When the night has come, ah yeah at pinatay ang ilaw, o madalas, lumalabas, Banyo queen, oh darling, darling, stand by me~
“Sa wakas, natapos ka na rin. Kanina ka pa hinihintay ng mga kasama mo sa labas at aalis na kayo para sa isa ninyong proyekto. Dalian mo na.”
[Itutuloy]