Letters of Youth

TELEPONO

/ 28 September 2020

Best friend ko dati ang telepono namin sa bahay. Bihira ko itong gamitin pero siguradong ginagamit ko ito isang beses sa bawat buwan. Hindi para makipagchikahan o magtanong ng mga takda sa mga kaklase ko sa elementarya, kundi para mag-sorry. 

Noong nasa elementarya ako, tutor ko si Siensi Carmen. Lahat ng asignatura, kaya niyang ituro. Mula agham at matematika, sining at musika, hanggang sa mga wikang Filipino, Ingles, Mandarin at Hokkien, kaya niyang ituro! Ginagawan niya ako ng makakapal na reviewer kahit walang pagsusulit kinabukasan. Madalas, pinamememorya niya sa akin ang lahat ng konsepto. Dapat ay maisulat, mabigkas at maipaliwanag ko ang lahat. Kapag nagkamali sa isa, uulitin namin ang lahat. At ang ibig kong sabihin sa “lahat,” ay ang buong aralin, hindi lang ang isang parte ng aralin. 

Alas kuwatro y medya ng hapon kami nagsisimulang mag-aral ni Siensi. Alas otso o alas nuwebe naman kami natatapos kapag walang mahabang pagsusulit. Pero kapag meron, alas diyes na kami inaabot minsan. Uunahin namin ang mga takdang ipapasa kinabukasan, pagkatapos ay pag-aaralan ang mga paparating na pagsusulit. Gagawin na rin namin ang mga takdang para sa susunod na linggo o mga proyektong para sa susunod na buwan. Kung wala namang mga takda, mag-aadvance study kami ng mga susunod na aralin. Ipapamemorya na niya sa akin bago pa man maituro sa eskuwela. 

Antukin ako noon. Masandal, tulog. Lagi rin akong nakapalumbaba at minsa’y wala sa wisyong mag-aral. Gusto ko ring manood ng TV, maglaro pagkatapos ng buong araw sa eskuwela tulad ng iba kong mga kaklase. Ito madalas ang ikinagagalit ni Siensi. Ayaw niya sa tamad mag-aral. Kaya lagi siyang nagwo-walkout sa tuwing wala akong ganang mag-aral, at lagi kong kayakap ang aming telepono habang humihikbi, nagso-sorry sa kanya sa telepono. Kinakabahan ako sa tuwing magso-sorry ako noon, baka sa daming beses ay hindi na niya ako patawarin at hindi ko na siya maging tutor. Pero buti na lang, kahit lagi akong nagso-sorry na para bang hindi na natuto sa pagkakamali, lagi niya pa rin akong pinatatawad. 

Hindi ko maintindihan noon kung bakit siya nagagalit kapag paulit-ulit akong nagkakamali. Kapag sumobra na sa tatlong beses akong magkamali sa isang tanong, nagagalit na siya. Ngayon ko lang napagtanto na hindi nga pala dapat inuulit ang mga pagkakamali, kailangang matuto, kailangang intindihin kung bakit nagkamali at paano maitatama ang mali. 

Ayaw na ayaw ko ang mga mahahabang exam. Madalas kasi, mas marami pang tanong sa reviewer ni Siensi kaysa sa mga tanong na nasa mismong pagsusulit. Lalo na kapag Chinese na mga asignatura ang pinag-aaralan namin. Mabusisi kasi ang Chinese characters kaya magkulang o sumobra lang ng isang guhit o tuldok, mag-iiba na agad ang ibig sabihin. At sa tuwing magkukulang o sosobra ang maisusulat ko, na kalaunan ay malalaman kong wala palang ganoong salita, laging sinasabi ni Siensi, magsulat na ako ng sarili kong diksyunaryo. 

Pero kung mayroon akong paboritong alaala sa mga panahon na mayroon akong mahahabang exam sa eskuwela, iyon ay ang pagluluto ni Siensi. Madalas, pinagluluto niya ako ng tempura o ng adobo bago magsimulang mag-review para sa mga exam. Pagkatapos kumain, patutulugin muna niya ako nang saglit. Noong mga growing years ko naman, hinihilot pa niya ang mga paa ko lalo na kapag sumasakit ito. Biro nga ni Ate Naline, aming kasambahay, para raw akong boksingerong inihahanda sa matinding bakbakan ng pag-rereview. At parang totoo naman, hindi talaga kami tumitigil hanggang hindi ko pa napapatumba ang lahat ng tanong, hindi alintana kung gabihin basta’t matuto lamang. 

Nagtapos ako sa elementarya. Mula sa Maynila ay lumipat kami sa Laguna kaya hindi ko na naging tutor si Siensi Carmen. Ganun pa man, hindi nawala ang mga minsang pag-uusap namin sa telepono kapag birthday ko o kaya naman ay pasko. Kapag dumadalaw naman kami sa kanya noon, lagi niya akong pinaaalalahanang uminom ng gatas nang tumangkad. Alam niyang ayoko ang lasa ng gatas at milk tea lang ang kaya kong inumin nang may gatas. Kaya may pagkakataon pa ngang gabi-gabi niya akong tinatawagan para lang tiyaking nakainom na ako ng gatas. Lagi siyang naniniwala sa akin, mula sa pagkakaroon ng matataas na marka hanggang sa pagtangkad. 

Noong 18th birthday ko ngayong taon, tinawagan niya ako. Binati niya ako at nagbigay siya ng mga payo sa buhay. At masaya kong ibinalita sa kaniyang siya ang napili kong paksa sa isang sanaysay na isinulat ko sa klase namin sa Creative Nonfiction at nakakuha ako ng mataas na marka. Tuwang-tuwa siya noon, kaya mahalaga sa akin ang sanaysay na iyon. Marahil hindi perpekto, ngunit mahalaga. Ngayong isinusulat ko ito, at kung sakaling mabasa ni Siensi Carmen, ito na ang pangalawang sanaysay na isinulat ko tungkol sa kaniya at sa paghanga ko sa kaniya. 

Hindi ko na maalala kung kailan ako huling umiyak o humikbi sa best friend kong telepono. Kung dati, takot akong tumatawag kay Siensi para mag-sorry, ngayon, mas masaya na ako sa tuwing tumatawag si Siensi para mangamusta o para ipaalala sa akin ang pag-inom ng gatas. Si Siensi Carmen ang nagturo sa akin ng disiplina sa pag-aaral, siya ang naghanda sa akin sa mga hamon na maaaring kaharapin sa buhay-estudyante. Ang mga natutuhan ko sa kaniya ay baon ko hanggang ngayon, mula sa paggawa ng mga reviewer na sulat-kamay, hanggang sa hindi pagtigil sa “puwede na.” Malaki ang naging papel ni Siensi sa pundasyon ng aking karunungan. Siya ang teleponong hindi mapapagod na sagutin ang tawag ko, siya ang teleponong hindi mauubusan ng boses sa pagpapayo, siya ang teleponong hinding-hindi ako bababaan hangga’t hindi pa ako nagtatagumpay.