SISIDLAN
Nang hinalikan
ng tubig-alat
ang aking mga paa
nang sumapit
ang dapithapon –
itinapon kong
tila bala
ng isang tirador
ang garapong
pinagsidlan
ng aking puso.
Hinayaan ko
itong magpalutang-lutang
at sumabay
sa pag-indak
ng mga daluyong.
Hinayaan ko
itong magpatianod
sa iba’t ibang direksiyon
at maging lagalag
sa ibabaw ng mga alon.
Kasabay
ng unang pagkislap
ng estrelya
sa karimlan
ng gabi –
pinagdaop
ang mga palad
at ipinikit
ang durungawan
ng kaluluwa.
Tumingala
sa kalawakan
at humiling
na sana
ay may makatagpo na
sa naturang lalagyan,
kalakip ang pag-irog
na sigurado
hanggang
wala ng wakas.
Subalit
sa pagmulat
ay wala pa ring bakas
ng pagbabalik.
Yinayapos
pa rin
ng panglaw
ng sansinukob.
Hinahaplos
pa rin
ng misteryo
ng pag-ibig.
Hindi pa rin
natatagpuan
ang bahaging
inialay.
Nawawala pa rin
ang kapilas
ng loob.
Ilang paglalayag
pa kaya
ang nararapat
na gawin
upang mahanap
ang parola
sa daungan?
Ilang pag-inog
pa ba ng mundo
ang kailangang
masaksihan
bago makarating
sa inaasam
na pampang?
Walang
kasagutang
dumating.
Wala pang
kasagutang
nakararating.
Muling dumampi
sa aking balat
ang lamig
ng karagatan.