SINO NGA BA ANG TUNAY NA ASWANG?
Noong bata pa ako’y uhaw ako sa kaalaman
Tila nagdidileryo ang isipan, hindi alam ang katotohanan
Tuwing sasapit ang dilim, ni walang isang taong manangangahas lumabas
Sapagkat lahat sila’y takot sa kwento ng aswang
Ngunit sa aking pagsusumikap na maintindihan ang kwento
Aking tiningnan at pinagmasdan ang nakabalot na misteryo
Sa mapanglaw na kalsada at mahamog na daanan ng seminteryo
Laganap ang aswang na may dalang regalo
Sa aking pagmasid, hindi pangil ang ginagamit ngunit bala
Hindi sila lumilipad ngunit mabilis at mapangahas
Sa pagtunog ng gatilyo’y, buhay ay sukli
Hustiya’y uhaw habang ang kasakiman ay labis
Bawat araw ay may dugong pumapatak
Mga bangkay na lasuglasog, kawawang pagmasdan
Sa bawat patak ng luha’y wala ng hustisyang masusumpungan
Sapagkat ang bagsik ng aswang ay nananatiling hari ng kadiliman
Maraming nadamay, maraming napagkamalan
Sa isang iglap lang, aatakihin ka’t pagmamalupitan
Nanlaban! Nanlaban! Sigaw ng karamihan
Babaliktaran pa ang ikot ng kapalaran
Akala ko di totoo ang aswang
Akala ko, isa lamang itong kwentong bayan
Sa katunayan, nandiyan lang pala sila ating kapaligiran
Nagpapanggap, nagbabalat-kayo, at naghahanap ng biktima