SINGKWENTA SA SOBRE
Nang gabing ‘yon habang nakasakay sa isang pampublikong sasakyan at naghihintay ng ilang pasahero para makabyahe na pauwi, may mga batang biglang umakyat din sa jeep at humihingi ng pera bilang tulong daw sa kanila.
Sa pag-akyat nila ay tinahak nila ang kabuuan ng jeep at isa-isang ipinatong ang mga sobreng lagayan ng pera sa hita ng bawat pasahero.
Pamilyar hindi ba? Kahit sino na sumasakay sa pampublikong jeep maaaring nakaranas na. At madalas, yung iba ay hindi na nagbibigay ng atensyon, tumititig na lang sa sobre, at parang masyado nang sanay ang mga mata sa akto nila.
Ako naman, bayad na ako sa pamasahe ko, wala na akong problema, tiyak makakauwi ako. Kaya naisip ko na ang singkwenta pesos na tira galing sa baon ko ay ilagay ko na lang sa sobre.
Kaso biglang nawala ang katiyakan ko at hindi ko alam kung ibibigay ko ba talaga, parang nais ko na lang din isawalang bahala dahil baka sa walang kabuluhan lang mapunta.
Sa kabilang banda, naisip ko, ibigay ko na, baka malaking tulong na ‘yon para sa kanila, at sila na ang bahala kung saan nila ito dadalhin.
Patuloy na nag-iisip at hindi malaman kung ibibigay ba o hindi, kahit kaunting halaga na lang ito ay talagang nagkukubli pa din kung ano ba talaga, puro alinlangan, at hindi mawari ang tamang hatol dahil nais kong magbunga ito ng maganda.
Hanggang sa ‘di namamalayan, puno na pala ang jeep kaya umandar na ang makina, at dali-dali kinuha ng mga bata ang sobre nila, bumaba na, at kasabay nang pag-alis nila ay ang pag-alis din ng jeep.
At habang pinapaspas ng malamig na hangin ay tulala akong nakadungaw sa bintana, blanko ang isip ngunit biglang sumiksik sa utak ang singkwenta pesos na hindi ko nailagay agad sa sobre na agarang kinuha ng mga bata.
Napagtanto na ang sobre na ‘yon—parang mga pagkakataon sa buhay, kapag hindi matatag at malinaw ang pundasyon ng pagpapasya, mamukat-mukat mo, kukunin na sayo at kusang mawawala ng walang nailimbag o nagagawa pa.
At katulad ng singkwenta pesos na hindi nailagay sa sobre, kahit hindi ipagkaloob sayo ng panahon ang mga pagkakataon dahil sa mga naging desisyon, hindi nito mababawasan ang matimyas na halaga mo, noon at ngayon.