SILAHIS NG PAG-ASA
“Na para bang wala ng saysay ang lahat”
Sa pag-gising ko sa bawat umaga, matayog pa sa isang bundok ang paninindigan kong subukang tumayo ng may pagmamalaki’t karangalan. Isang pilit na ngiti ang sumisilakbo na parang may itinatago ang aking isinusuot. At ang aking katawa’y ipinasasa tilang taong kansa’t graba ko na lamang. Hindi sa pinili ko ang ganitong buhay, bigla na lamang ‘tong dumating sa akin, na para bang isang tadhanang itim.
Pangkaraniwan na sa akin ang pag-tawanan sa paaralan—dahil sa aking sabog na buhok, aking malalalim na mata, aking lasog-lasog na pangangatawan. Alalang-alala ko kung bakit naging ganito ang aking kalusugan. “Wala na akong saysay sa buhay, bakit pa ako nabuhay?” Nawalan na ako ng pakialam sa aking sarili, napabayaan ko na ang aking buhok na binabansagang “the head’s glory,” ang aking malalalim na mata’y dulot ng pagkawalang-tulog gabi-gabi, at ang aking lasog-lasog na pangangatawan ay dulot ng pagkawalang-gana kong kumain ng kahit sa pinakamasarap na karne ng aming lungsod.
Bagama’t sanay na akong pag-tawanan, hindi parin lingid sa aking kaisipan na ako’y dapat matakot. Nandyan lang sila, pinag-uusapan ang aking pagkatao. Rinig ko ang mga nakabibinging bulong ng mga sari-saring bibig na patuloy ang pagsasalita hanggang sa… nawala na ang mga ito. Balik sa dati ang aking araw, isang langkag na “ngayon,” hungkag na “bukas.”
Marami ang nagsasabi sa akin na dapat kong sundin ang payo ng aking mga guro’t magulang.
Kumausap daw ako ng isang Psychologist. Wala naman daw mawawala kaya’t sinubukan ko na rin. Alalang-alala ko pa ang una niyang tinanong: “Ano ang iyong nararamdaman ngayon?” Isang matalim na katahimikan ang humampas sa daloy ng hangin. Lumuha ako ng walang imik sa mukha, at aking isinagot: “Wala po.” At umalis ako ng silid, lumabas ng gusali at naglakad-lakad, nag-isip-isip bago bumalik upang tapusin ang sesyong binayaran ng maraming salapi.
“Wala po. Wala po akong nararamdaman.” Ang tinapos na sagot ko sa katanungan ng doktor. “Naniniwala ako sa’yo, anak. Damhin mo ang kawalan mo ng gana, ng saya, ng pag-asa. At kapag kinakap mo na ang kabuuan nito, buksan mo ang iyong sarili hindi para bigyan ang sarili mo ng saya, kundi para buksan ang sarili mo para sa ibang inaasam-asam na mahalin ka.” Ang huling pahayag niya bago dumating ang aking mga magulang.
Umuwi akong mausisa—Usisang-usisa sa kanyang bawat salita. Ano kaya ang ibig sabihin niya?
Kapkapin ang kabuuan ng aking kawalan? Buksan ang aking sarili hindi para sa akin, kundi para sa iba?
Mga nag-aasam para ako’y malapitan? At dito ko na napagtanto ang kahulugan ng butihing pahayag.
Napagtanto kong hindi ako mag-isa, na tunay na ako’y sumapit sa isang madilim na tadhana ngunit ako’y kailanman hindi magiging isa. Hindi magiging madali, pero ang pagkakap sa kabuuan ng aking kawalan—ang pagdama sa bawat segundo ng aking lungkot, kahirapan, at luha ang magiging unang yapak patungo sa pagbabago. Na kinakailangan kong mabanaag na hindi ako magiging masaya kung ako’y magiging sarado sa iba, kung akin lamang ipinipilit sa aking sarili ang lahat, sapagkat ito ang aking naging kahulugan ng “saysay,” ang “maging” para sa iba. Ayon nga kay Hesus, walang kahit isa sa atin ay ginawa para lamang lumundag sa isang mundong puno ng pagsubok ng mag-isa. Ito ang aking laging tatandaan sa mga pagkakataon na para bang wala ng saysay ang lahat—ang simpleng pahayag na aking natamo na nagsilbing silahis ng pag-asa para sa akin, at para sa iba.