SI ‘ATE REG’
Dalawang bagay lang ang sumagi sa isipan ko nung moment na ‘yun: Number 1, dalaga na ako, at number 2, YUCK!
Alam niyo ba yung term na “bwisita?” Galing ito sa dalawang salitang pinagsama: bwisit at bisita. Kumbaga, ito yung visitor niyong pumupunta para lang manggulo. Darating siya tapos automatic badtrip ka na buong araw dahil sa presensya niya. Isa siyang pang-asar sa buhay, pabigat, at higit sa lahat, epal! Buwan-buwan dinadalaw ako ng aking bwisita. Itago na lang natin siya sa pangalang Ate Reg. In fairness naman sa kanya at consistent siya– consistent siyang magpahirap at manakit!
Kadalasan, alam ko na kung kailan ang eksaktong dating niya kaya napaghahandaan ko. Hindi basta-bastang preparasyon ang kailangan dito, ha. Dapat ready ang physical, mental, emotional, at spiritual self ko. Ganu’n siya kalala. Ang mas nakakainis, minsan nambubulaga na lang ‘yan. Isang beses nga, tahimik akong nanunuod ng kung anu-ano sa laptop ko; ordinaryong araw lang. Nasa kalagitnaan ako ng isang episode ng sinusubaybayang Korean variety show nang bigla akong nakaramdam ng kaunting sakit ng ulo. “Wala lang ‘to, baka pagod lang ang mga mata ko,” sabi ng internal monologue ko. Pinagpatuloy ko ang panonood nang may panibago akong naramdaman. “SIYET!” Hindi pala ‘to sintomas ng panlalabo ng mata. Nandito na pala si Ate Reg, hindi man lang kumatok.
Tandang-tanda ko pa noong una akong dinalaw ni Ate Reg. First year high school na ako noon; dalawa na lang kaming babae sa buong batch na never pa siyang na-meet. “Late bloomer” daw sabi ng teacher namin sa MAPEH. Umuwi ako galing school at nakipagkuwentuhan sa kasambahay naming si Ate Jessa. Hindi ko na gaanong maalala kung anong pinag-usapan namin noon. Siguro nagpapaturo siya kung paano gumawa ng joint Facebook account para sa kanila ng jowa niya. Habang nag-iisip ng ipapangalan sa profile, naramdaman kong parang basa ang upuan. Pa-cool lang ako sa harap ni Ate Jessa pero sa loob-loob ko, kinabahan ako na baka naihi ako sa salawal. Trese anyos lang ako, imposible namang may sakit na ako sa pantog! Kaya pasimple akong pumunta sa banyo at laking gulat ko nang makita ko ang kalagayan ng aking underwear. Kulay brown?! So hindi pala number 1, kun’di number 2! Mas malala ‘to! Ang tagal ko itong tinitigan hanggang sa unti-unti kong na-realize ang katotohanan.
Dalawang bagay lang ang sumagi sa isipan ko nung moment na ‘yun: Number 1, dalaga na ako, at number 2, YUCK!
Literal na nasa harapan ko na siya pero sa totoo lang, hindi pa talaga ako kumbinsidong si Ate Reg na nga iyon. Malay ko ba, hindi ko naman alam ang itsura niya in person eh! Lumabas ako ng banyo at nagtanong kay Ate Jessa. Ano ba ‘kako ang mangyayari kapag first time makaharap si Ate Reg. “Kaya pala ang tagal mo sa CR ah. ‘Yan na nga ‘yon! Naku, dalaga ka na. Puwede ka nang mabuntis!” Nasabi ko na bang medyo wild ang imagination nitong si Ate Jessa? Kinumpirma na rin niya ang hinala ko at tinulungan akong maglagay ng napkin for the first time in my life. Ang dami palang arte nitong si Ate Reg!
Maya-maya rin ay umuwi ang lola ko galing sa maghapong pagtambay sa labas. Itong atribidang si Ate Jessa, pinangunahan na pala ‘ko sa pag press release ng mabuting balita. As usual, ang dami na namang pamahiin ng matanda. Una, huwag daw muna akong maliligo dahil baka sumakit ang ulo ko. Okey, naligo naman na ako noong umaga bago pumasok sa school so, check! Pangalawa, tumalon sa tatlong hakbang ng hagdanan para maging regular ang dalaw ni Ate Reg. Ako naman ‘tong uto-uto na lumundag sa bahay namin at muntikan pang madulas. Pero itong huling pamahiin talaga ang hindi ko naatim. Ihilamos ko raw sa mukha ko ‘yung panty kong natagusan para hindi ako tubuan ng tigyawat sa mukha. No way! Hindi ba ‘kako mas lalo akong magkakaroon ng pimples dahil marumi ‘yung dugo? Hinayaan na lang din ako ng lola ko dahil oras na niya para manuod ng palabas ni Willie Revillame sa TV.
Kung tutuusin, very anti-climactic ang first meeting namin ni Ate Reg kasi hindi naman sumakit ang puson ko, hindi ko naman natagusan lahat ng upuan sa bahay, at mas lalong hindi naman ginamit ang dugo ko para magluto ng dinuguan. (May narinig kasi akong kwento dati na ‘yun daw ang ginagawa ng mga mangkukulam.) O.A. lang pala ‘yung mga nasa palabas na akala mo mamatay na dahil sa unang pagbisita ni Ate Reg. Mabait naman siya eh, kaya lang talagang loka-loka rin. May mga panahong iniisip ko na sana naging lalaki na lang ako. Minsan pag feel kong maging overdramatic, sinisisi ko si Eba– ba’t naman kasi kinausap niya pa ‘yung ahas? Kung ibang hayop ang chinika niya eh di sana magaan ang buhay namin ngayon. Kapag naman wala akong mapagbuntungan ng galit, ang sangkalalakihan ang pinupuna ko. Wala lang. Hindi naman siguro binigyan ng palayaw na “mens” si Ate Reg nang basta-basta lang.
Pero bilib din talaga ako sa mga babae kasi nakakayanan nilang ipagpatuloy ang buhay na para bang wala lang sa kanila ang pagdurugo. Sisiw lang sa kanila ang kahit na anong gawain. Kesehodang pumasok ng walong oras sa trabaho, maglinis ng buong bahay, mag perform à la Beyoncé, o kaya magsulat ng sanaysay tungkol sa kanilang first time. Sanayan na lang din talaga siguro sa kaniya-kaniyang bwisita. Wala naman na kaming magagawa kundi ang tanggapin siya dahil parte siya ng buhay. Pero sana naman makisama ka rin, Ate Reg. Sa susunod na dalaw mo, peace tayo ha!