SALAMIN
Hindi maaaring mawala sa babae ang kanyang salamin. Kahit saan ito magpunta, laging ito ang unang hanap: magpupunta sa cr hindi para umihi, kundi para ayusin ang sarili sa salamin; pag nakitulog sa bahay ng kaibigan, laging ang unang tanong ay kung nasaan ang salamin; at kung napadaan lang sa nakapark na kotse—nako, pati ba naman ang bintana ng sasakyan ay ginagawang salamin pa rin! Sa katunayan ay naging parte na ng babae ang mga salamin na ito sa kanilang araw-araw na buhay. Ladies, bakit nga ba?
Dati, maalaga rin ako sa mga salamin na iyan. Linggo-linggo kong nililinis ang malaking salamin sa aking kwarto gamit ang isang lumang basahan at paubos na canister ng Pledge; maginhawa kasi sa pakiramdam kapag malinaw mong nakikita ang iyong repleksyon. Pero ngayon, simula nung nag-pandemic, puro bahid ng dumi at gasgas na ang pumupuno dito. Habang nagtatagal kasi ay naisip ko, nakakatamad pala. Nakakayamot. Eh, bakit nag tiya-tiyaga pa kong linisin ito linggo-linggo kung isang punas ko lang nito ay para bang bagong bili na ulit, hindi ba? Mali. Hindi pala ganun.
Ngayon, sa tuwing tatapat ako, malabo na ang litrato na binubuo nito, at kahit gaanong linis ko pa ngayon ay hindi ko na ito maibalik sa dating kondisyon. Sa loob ng isang taon, hinayaan kong lumabo, dumumi, at magasgasan ng husto ang dating malinaw na repleksyon ng aking sarili.
Tulad na lamang ng mga babae na patuloy na nagagasgas ang sinasalamin na papel sa ating lipunan—napakahirap, sa totoo lang, na maging isang babae. Nakakabingi nang pakinggan ang argumentong ang mga babae dapat mag-adjust, ang babae dapat ang mag-doble ingat para hindi malagay sa pahamak. Oo, totoo naman, pero bakit sa babae lamang nalilipat ang buong responsibilidad? Is it too much to ask na angkinin din naman ng mga ibang lalaki ang parte ng kanilang responsibilidad bilang isang tao?
Ang sukatan ba ng karespe-respetong babae ay basi na lamang sa damit na kanyang sinusuot? Sa pagmamahal at katapatan na ibibigay niya sa kanyang magiging asawa? Ang sukatan ba ng pagiging mabuting ina ay basi sa kahusayang niyang maglaba o magluto? Sa dami ng mga damit na kanyang naisasampay? O sa pag-aalaga ng mga anak niyang may sakit? Hindi. Hindi. Women are worth more than this. Wala pa sa kalahati ang mga kabatiran na ito. Araw-araw ay may imahinaryong linya na pumipigil sa amin na tumawid sa kabilang dako ng daan dulot ng sariling pamantayan ng lipunan; nasa kanila ang hatol kung hanggang saan at kung gaano lamang pwede maging ang isang babae. Bukod pa dito, araw-araw ay iniisip rin namin kung paano makakatakas sa mga mapang-abuso na salita’t gawain ng mga tao. Isang maliit na pagkakamali lamang ay habang buhay ka nang hinuhusgahan.
Itaas niyo naman ang pagtingin sa mga babae. Dahil ang babae, they deserve more because they are more. Hindi sila mga bagay na pwede mong gamitin sa mga makasariling dahilan, o itatapon mo sa kung saan-saan kapag ito’y “napakinabangan” mo na. Datapwat ang mga babae ay may mga pangarap din na itinataguyod para sa kanilang sarili. Ang mundo nami’y hindi tumitigil kapag kami ay naging isang asawa o ina. Don’t get me wrong, hindi ko rin naman sinasabing kulang ang identidad mo kapag ikaw ay naging isang asawa o ina, datapwat nagiging kulang lamang ito kapag inuna mo ang mga iyan bago mo buuin ang iyong sarili. Dahil kahit gaano kalalim mo pa ibaon ang mga ambisyon mo, gagawa at gagawa pa rin yan ng paraan na umibabaw muli. Sa huli, doon ka pa rin naman ibabalik ng puso mo—sa mga bagay na binubuo ang totoong pagkatao mo.
Hindi kinakailangang maganda at malinis ang kalalabasan ng gawa mo, basta’t mahalaga ay gumawa ka—sumubok ka. Huwag kang matakot ni mahiya kung ang mga pangarap na nais mong tuparin ay sinasalamin ang totoong ikaw, ganun naman ang konsepto ng success sa buhay, hindi ba? If you hold back, bakit sumubok ka pa? A woman’s work. Sa mundo na kung saan napapaligiran tayo ng sistema ng patriarka, may pag-asa namang mahanap natin ang makakapagbigay sa atin ng fulfillment. Siguro, ang pinakamagandang katangian ng isang babae ay ang kanyang constant strive for perfection. Gusto natin maayos, malinaw, at organisado ang mga plano natin sa buhay para matupad ang ating mga ambisyon. Subalit, ang pinakamagandang katangian ng isang babae, ay makokonsider din namang pinaka-malaking downside.
Dahil sa kagustuhan nating habulin ang perfection, takot tayong makita ang kabaliktaran nito. At sa paanong paraan natin ito tinatakpan? Gamit ang mga filters na pinuno ang mundo ng social media. Sa ganitong paraan kasi hinubog ng lipunan ang mga babae, na bawal maging haggard, mataba, payat, maitim, maputi, at kahit anong ka-echusan pang ibinabato sa kanila para lamang masiyahan ang kanilang male ego—o sige, hindi lang ang mga lalaki, pati na rin ang mga ibang babae; imbis na suportahan nila ang isa’t isa ay sila pa mismo ang nangunguna sa pamimintas at panghuhusga kapag may nakitang “flaw” sa isa. Cancelled agad.
Kaya’t hindi na nakapagtataka kung tayo ay naninirahan sa mundong puro filters imbis na mirrors; imbis na transparency, flawless beauty ang prayoridad ng karamihan. Para saan pa ang hilig ng mga babae na mag bitbit o maghanap ng salamin, kung hindi rin naman nila ito gagamitin sa tamang paraan? Ang salamin ay repleksyon ng ating sarili, hindi ba? Pero bakit hindi ito ginagamit ayon sa wastong layunin? Bakit ba—takot na takot tayong mga kababaihan na makita ang ating totoong repleksyon?
Hindi ba parang ang unfair naman ng mundo? Ang taas ng pamantayan kung ano dapat ang maging babae—tapat, mapangalaga, mahinhin, mapagmahal, masunurin—ngunit, sa kasabayan, ay binababa rin naman ang halaga nila bilang isang indibidwal—na hanggang dito lamang ang maaaring maging sila, at hanggang dito lamang ang tingin nila sa kabila ng lahat ng sakripisyo ginawa nila. Ang mabigat ay nagiging magaan rin, sa tulong ng mga camera na hinahanapan tayo ng magandang anggulo para hindi makita ang mga kalat sa likod ng ating litrato. Kaya ba, minsan, hindi na kinakailangang magdala ng mga babae ng salamin? Dahil may camera naman sila sa phone nila? Oo nga naman, mas madali, pwede mo pang lagyan ng mga filter para takpan ang eyebags sa ilalim ng mga mata mo—ayaw mo bang malaman nila na pagod ka na rin? Ang pawis at dugo na sinakripisyo sa bawat gising at bangon ng isang babae ay hindi dapat kinokonsidera na kapangitan na kinakailangang i-filter ng camera, sapagkat ito’y isang litratong dapat pangalagaan.
Maraming nagsasabi na darating din ang araw na makikilala natin kung sino at ano nga ba talaga ang papel ng mga babae sa daigdig, ngunit taliwas ako sa paniniwalang ito sapagkat sigurado akong matagal na natin itong alam—matagal na tayong nakatingin sa salamin ng mga babae, marahil pinili lang siguro nating hindi makita ang repleksyong binubuo nito.