Letters of Youth

SA TIKTIK AKO NATUTO

/ 22 March 2021

Taong 2012, grade five. Sumama ako sa paggawa ng Christmas tree sa eskwelahan. Ito ang aming pambato sa idinaos noong patimpalak ng mga dekorasyong gawa sa recycled materials. Nasa 5’8 ang tangkad nito, gawa sa semento ang pundasyon at may mahabang kahoy na may nakapalibot na chicken wire sa gitna bilang katawan. Ang mga “dahon” nito ay ang mga piraso ng ginupit-gupit na dyaryong tinupi nang parang lumpia.

Habang naggugupit ng mga diyaryo ay naisipan kong huminto saglit upang basahin ang isa sa mga ito. “Atty. Bengbeng” ang pangalan ng kolum, subalit wala itong pamagat. Sinimulan kong basahin ang nasabing artikulo at suwabe naman ang simula. Mukhang problemado si Atty. sa kasong hawak niya dahil ayaw makipag-usap ng kaniyang kliyente. Itinuloy ko ang pagbabasa at agad nabuo ang imahen ng opisina niya: puting mga pader, ilang halaman, at ang lamesang nakapuwesto malapit sa bintanang sinisilipan ng liwanag ng araw na papalubog na.

Kaya lang, nagulat ako sa mga sumunod na nangyari. May matipuno raw na lalaking pumasok sa opisina ng bida at mukhang nagulat ang abugada. Hindi ko na idedetalye ang mga kaganapan, basta’t kapwa sila maligaya sa huli.

Bagama’t hindi sa akin malinaw noon ang kahulugan ng rurok, sandata at halinghing, maging ang dahilan kung bakit tila iba ang paggamit nila sa pangalan ng pagkain gaya ng pechay at tilapia, ito pa rin ang unang engkuwentro ko sa bagong porma ng literatura. Magmula sa linggo-linggong “Superbook”, “Veggie Tales” at Hillsong ay nabuksan aking kamalayan sa nasabing anyo ng panitikan. May nabasa rin akong ilang artikulong naglalaman ng bayolenteng paksa gaya ng pagpatay, at hindi ko inasahang ito ang aking magugustuhan.

Hindi man bago para sa iba, ang makabasa ng erotika, pornograpiya at mga kuwento ng krimen ay hindi isang karaniwang bagay para sa akin. Nakilala ko man ang ilang mga manunulat na tinitingala ko hanggang sa ngayon, hindi dapat baliwalain ang katotohanang di tulad ng pang-masang diyaro at literatura sa Amerika at Britanya, hindi nagdudulot ng sapat na kaalaman at kamalayan sa mamamayan ang ating mga tabloid.

Kung bakit mabenta ang ganitong mga diyaryo, at kung bakit may mga kagaya kong ignorante tungkol sa epekto ng mga ito, ay mababasa sa mga susunod na bahagi ng papel na ito.

Noong 2012, naibalita ng New York Times na mas mabenta sa Pilipinas ang mga diyaryong kagaya ng aking nabasa kumpara sa tradisyunal na pahayagan. Sa artikulo ni Flord Whaley na “Manila’s Gory, Sexy Tabloids Outsell Traditional Broadsheets”, isa sa mga kinapanayam ang pinuno ng Pinoy Parazzi na si Raimund Agapito. Inamin nitong ang kaniyang pamumuhunan sa buhay ng mga artista ay hindi niya pinagsisisihan, at 70 porsiyento ng nilalaman ng kanilang diyaryo ay tungkol lamang sa nabanggit na paksa. Madali umano ang kita sa ganito– bawat larawan ay nagkakahalaga ng limampung libong piso.

Sa kabila ng mga matatagpuang chismis, maseselang larawan at bahagyang pornograpiya, naniniwala pa rin si Agapito na hindi iba ang kaniyang inilalabas na materyal sa mga broadsheet. Para sa kaniya, mas “interesting” lamang umano ang kaniyang gawa at di tulad ng mga mas makakapal na diyaryo, walang ibang pinagsisilbihang interes ang mga tabloid kung hindi ang sa mamamayan.

Taliwas sa sarili niyang pahayag, kumikita rin si Agapito sa interes ng mga magkakalaban sa pulitika. Aniya, napakadaling palaganapin ng iskandalo ng mga pulitiko tuwing eleksiyon kung kaya’t sari-saring larawan ang tinatangkang ibenta sa kanila. Ito raw ang kaniyang paraan ng paggamit sa showbiz bilang tagapag-ugnay ng kaniyang mga diyaryo sa pulitika.

May ibinigay na paliwanag dito sina Melinda Quintos de Jesus, Executive director ng Center for Media Freedom and Responsibility at Marites Vitug, ang dating pangulo ng Journalism for Nation Building Foundation. Ayon kay de Jesus, pinupunan ng mga tabloid ang pangangailangan ng mga Pilipino tulad ng “thrill” na dulot ng mga kuwentong krimen at iba pa. Ang tanging magandang epekto umano nito ay ang patuloy na pananatili ng masa sa pagbabasa– subalit hindi ito sapat na batis ng kaalaman.

Para naman kay Vitug, hindi pinagmumulan ng pagsiklab ang mga artikulo kung hindi purong katuwaan lang. Bumababa ang pagtingin ng mga elite sa masa kung kaya’t lalo silang nagiging makapangrarihan.

Sa isang masusing obserbasyon, mapapansing malaki ang epekto ng media sa persepsiyon ng masa. Halimbawa, ang aking kyuryosidad at pagkabigla sa artikulong aking nabasa ay bunga ng ilang taong pagkakakulong ko sa espiritwal na mga pelikula at libro. Gayunpaman, nagawa ko itong maintindihan sa paglipas ng panahon matapos maging bukas sa iba pang klase ng mga akda. Mahihinuhang wala sa mambabasa ang ugat ng problema sa kakulangan ng impormasyon– nasa mga babasahing ipinipilit o ipinepresenta sa kanila.

Sa kaparehong dahilan, naniniwala akong ang masang Pilipino ay hindi inutil. Sa kasamaang palad, hindi akma ang aksesibol na batis ng impormasyon para sa kanila at may mga taong namumuhunan sa kamangmangang dulot ng problemang ito. Habang patuloy na nilulunod sila sa mga babasahing sumisira ng imahen ng iba ay lalong yumayaman ang mga kagaya ni Agapito, at lumalawak din ang deperensya ng mga elite mula sa sambayanan. Higit silang may alam, kaya’t hindi sila nag-aalala sa pag-aalsang maaaring maganap.

Bahagi man ng kultura ang mga tabloid, hindi ito ang tipo ng mga babasahing marapat gawing aksesibol sa mga Pilipino. Bukod sa naglalaman ito ng malalaswang babasahin na maaaring mabasa ng mga batang walang tamang kaalaman at gabay ng magulang tungkol sa sex, hindi rin dapat isawalang-bahala ang mga kuwento ng karahasan na walang maayos na censorship. Maraming artikulo na higit sanang magdudulot ng mas maganda tulad ng libreng impormasyon sa sex education, karapatan at situationer ng kasalukuyang kalagayan ng ating bayan. Sa paggamit ng maka-masang lenggwahe– suntok man sa buwan– ay maging layunin sana ng mga kapitalista ng Pinoy tabloid ang makapaghatid ng tama at sapat na impormasyon.

Samakatuwid, ang aking engkuwentro sa makabagong mga  teorya, estilo at esensiya ng pamamahayag at panitikan dito sa ating bansa ay isang senaryong idinulot ng hindi aksesibol na kaalaman sa ating mga kababayan. Unti-unti lamang itong magagapi kung patuloy nating isusulong ang karapatan sa libreng edukasyon para sa lahat, anuman ang iyong edad, hitsura, kulay at pinagmulan.

Sanggunian: Whaley, Floyd. “Manila’s Gory, Sexy Tabloids Outsell Traditional Newspapers.” The New York Times, 26 June 2012, www.nytimes.com/2012/06/27/world/asia/manilas-gory-sexy-tabloids-outsell-traditional-newspapers.html.