Letters of Youth

SA SULOK NG PARAISO

/ 18 August 2021

Malaparaiso kong tahanan
Di mo maipipinta sa karilagan
Nakabibinging katahimikan sa buong kapaligiran
Halimuyak ng halaman di mo mapapantayan

Mabining haplos ng hangin
Di mo man lamang pansin
Parang isang malalim na bangin
O, kay sakit damhin

Sadyang kaibig-ibig ang batis
Alingawngaw ng tubig ay walang mintis
Ulap na maninipis ay naghihinagpis
Mistulang tumatangis

Sa tuwina ay kaulayaw mo ang kuliglig sa gabi
O, aking paraiso, sino ang makapagsasabi?
Doon payapa ang buhay, malayo ka sa ligamgam
Kailanma’y walang kaagam-agam

Kumikislap sa gabi bituing marikit
Kahali-halina, kaaya-aya, kaakit-akit
Nakapanghihinayang na walang maakit
Tinatanong ko kung bakit

Nakasisilaw ang mayuming kagandahan
Ngunit ako’y nagugulumihan
Isang sulok ng paraiso
Nakasarang malapalasyo

O, araw walang kasing kinang kanyang sinag
Bahaghari’y lagi mong mababanaag
Buwan at tala nagbibigay liwanag
Kapiling mo sa buong magdamag