SA BAHAY NI HUDAS
Ako si Hannah, masunuring bata
Tinitimplahan ko si nanay ng tsaa
Niyayakap ko siya kapag may problema
Ngunit minsa’y timpla ay napapatamis ng lubha
Kaya minsan di’y may maririnig kang basag sa kusina
Ako naman si Ojie at mahilig akong magtagu-taguan
Nasanay nang magkumahog patungo sa loob ng kwarto
Upang makahanap ng sisingitan
Kaya sa ilalim ng kama mo ako matatagpuan
O di kaya’y sa likod ng kabinet o mga upuan
Ako naman si John, pero Jennifer na ang tawag sa akin
Bata pa lamang ako’y pintakasi na ng
Mahilig ako magpinta lalo na sa mukha
Subalit tahana’y puro bahid lamang ng pula
kaya’t mukha ko’y may permanenteng pintura
Ako si Angel, ang anghel ng aming tahanan
Dahil sa aking angking ganda ang lahat ay napapatanga
Subalit hindi ako kagaya ng anghel na walang bahid ng kasalanan
Pagkat araw-araw ay unti-unti akong nadadampian ng dungis
Hanggang sa wala nang matira kundi ang hubad na katotohanan
Ako si Jacob, sakitin at malamya
Pagdating sa bunong-braso ako ay bokya
Dahil dito’y pinagdidiskitahan ako ng aking mga kalaro
Kaya isang araw, sabi ni tatay ipapasyal niya lang daw ako
Subalit pagkagising ko ay nasa banyagang lugar na ako
Kapiling ang matandang lalaking nakangiti nang malaki
Ako naman si Ilona mula sa Pandacan
Kung saan walang ibang putahe kundi kanin at sandok
Laman ng tiyan ang baril at kutsilyong dagok
Tanging pag-asa ay ang bawat kayod ni tatay
At sa gabi, ang mabentang bangketa ni nanay
Kaming mga bata ang nakatira sa bahay ni Hudas
Nilinlang, sinaktan, at ipinamalas, kinalas
Hindi makahulog karayom o makabasag pinggan
Boses namin ay nakahimlay sa likod ng inyong isipan
Nagmamatyag, naghihintay na mahayag ang kasuwailan
Sa ilalim ng bubong ni Hudas kami’y pinagpipiyestahan
At pinaghuhuntahan ng matatabil nilang mga labi
At ang bawat salita ay gumuguhit na lamang sa lalamunan
Dahil sa bahay na ito matitikis ang magsasabi
Pagpasensiyahan mo na kung may kaganapang kasuklam-suklam
Subalit ito lamang ang maaabot ng iyong kaya
Ngunit sa bahay na ito, iyong matitikman
Ang hatol ng buhay at kamaralitaan
Dahil sa bahay ni Hudas mo mapagtatanto ang kasakiman
At ang mga sikretong tinitikis ng mga Hudas ng bayan