PARALUMAN
Sadyang ika’y isang paraluman
Na hindi kukupas kailanman
Sa larawan mong aking tangan
Pangarap ko’y ika’y maipinta’t mapagmasdan
At mabighani sa ningning ng iyong mga mata nang malapitan
Ikaw ang lakambini kong tunay
Ang paghanga ko sayo’y walang humpay
Ikaw ang nagbibigay ng malabahag-haring kulay
Sa dating madilim kong buhay
Na ngayo’y nagkaron ng saysay
Nakakabighani ang iyong tinig
Tila isang diyosang kaibig-ibig
Na nagmistulang kristal na tubig
Kaya’t labis akong humahanga sa iyong himig
Na walang tigil kong gustong marinig
Maalindog mong pangangatawan
Di mangangahas na hawakan o pagsamantalahan
Sapagkat tunay kang isang pambihirang paraluman
Na kailanma’y di mabubura sa aking isipan
At tiyak na respeto ko sayo’y hindi ipagpapaliban
Sa patuloy na pag-agos ng tubig sa batis,
Pagsalo sa iyong mga luha’y walang mintis
Sa pagtakas ng lakandiwang iyong minahal ng labis
Kirot na dinulot sa puso’y iyo na lamang tiniis
At kirot saki’y isinalin sa di mo pagtugon sa aking hinagpis
Karikitan ng binibining inaasahang makamtan
Muling kukupas at sa kalawakan ay maninirahan
Ngunit puso’y mananatiling ikaw ang nilalaman
Na kahit umabot man ang buhay patungo sa katapusan
Ika’y sa isipa’y nakaukit magpakailanman, aking paraluman