PANGARAP NG ISANG TADHANA
Sa paggising ko sa isa lamang na pangkaraniwang araw sa aking buhay, nagsisilbing despertador ng aking umaga ang busina ng mga dyip, mga sari-saring sasakyan at mga sigaw ng isang abalang umaga. Ang simoy ng hangin na pumaparipot sa iba’t ibang direksyon, ang sinag ng araw na tumatagos ang init sa aking kayumangging balat, ang sari-saring amoy ng aking basurang higaan—ang lahat ng ito’y normal na sa akin.
Oras na para bumangon. Kinakailangang maghanap ng makakain at maiinom. ‘Di bali na kung ito’y tira-tira lamang sa may basurahan, o kaya naman ay tubig na galing sa bahang dala ng isang bagyong kalilipas lamang. Ano pa ba ang magagawa, kung hindi ay manglimos sa mga kalye sa may lansangan para sa ilang karamput na tigpipiso? Ano pa ba ang magagawa kundi ang magsuot ng mga basahang basura lamang para sa iba, na nginatngat na ng mga daga makalipas ang ilang araw? Ano pa ba ang magagawa kung hindi ang mag-alok sa mga tao upang sumakay sa mga dyip para lamang makahingi ng ilang piso? Ito ako, isang musmusing batang mangmang sapagkat walang pinag-aralan, lulan ng isang mahirap na pamilyang walang tahanan, walang kamag-anak, walang salapi, walang pagkakakilanlan? Minsan, tinatanong ko sa Kanya, bakit pa ako nabuhay? Bakit pa ako pinahintulutang mabigyan ng pagkakataon na mabuhay kung ako’y maghihirap lamang? Kung gabi-gabi’y papatak lamang ang aking mga luha dahil sa pagkakatantong wala akong silbi sa mundong ito?
Tila isang kislap ng tala ang dumaan sa aking isipan, isang ideyang magbabago ng aking buong buhay—ang aking dahilan. Ang aking buhay ay tunay ngang mahirap, ngunit, hahayaan ko lamang bang patuloy na maging mahirap ito? Dito ko napagtanto ang dahilan kung bakit kinakailangan ko pang mabuhay. Isang salita: Ako. Ako ang isang dahilan kung bakit ko kinakailangang lumaban sa pagsubok ng kahirapan. Ako lamang ang nag-iisang bagay na mayroon ako, na may sapat na kahalagahan upang ipaglaban. Ang aking sarili ang may kakayahang makapagdala sa akin sa mga lugar kung saan aking inaasam. Ang aking sarili ang may kakayahang makapagtalos sa maaari. Ang aking sarili ang may kakayahang magbago ng aking ‘ngayon.’ Kailanman hindi naging madali ang buhay, at ang lahat ay may iba’t ibang pagsubok na kinakaharap. Ngunit, kailanman ay hindi tayo pinipigilan ng buhay na hugisin ang anyo nito na naaayon sa ating kagustuhan. Tayo ang may kapangyarihan upang mamahala sa ating magiging kinabukasan. Wala nang iba ang makakapagpagalaw ng gulong ng ating kapalaran. Ang ating tadhana ay hindi nagkataon. Ito ay sinadya—sapagkat ang tunay na tadhana ay hindi isang nagmimistulang hulog ng Panginoon. Ang tadhana ay tayo—tayo na may kapangyarihang magbago ng ating mga buhay.