PANDESAL
Takbo, totoy, takbo,
bilis-bilisan mo habang malayo pa ang sirena,
huwag pipikit sa bingit ng takipsilim,
hawakan ng mahigpit ang nanlalamig na piraso.
Anong klase ng tinapay ba ito?
Napakaliit! Sabi nga ni inay,
Isang kagat, nakakangilo lahat.
Nasaan na siya!
Pandesal ba talaga o marupok lang na bato?
Kay malas mo talaga!
Ihagis mo na lang patalikod,
baka sakaling tumama,
baka humantong sa tulong
imbis na kulong.
Malabo…
kasalanan kasi ang magnakaw ngayon.
Hoy halika dito!
Takbo, totoy, takbo,
ikiskis na lang ang swelas ng tsinelas,
linisin ang dumi sa konkretong daan,
hipan ang gasgas sa tuhod at kanto,
yeluhin ang namumuong bukol sa ulo.
Pasensya…
kasalanan na bang magutom ngayon?
Sundan niyo siya!
Punasan ang nagpapawis na mga mata.
Sabi naman ni inay,
hindi raw nakakabulag ang alikabok.
Nasaan na ba!
Hindi raw nakatutulig ang mga baril.
Tingnan niyo diyan!
Hindi raw nakalulunod ang mga kanal.
Pumasok siya dun!
Pero ang mga taong naka-asul
na kasing tulis ng kamay ang bibig,
nakapikit sa umaga, nakadilat sa gabi,
lumuluhod sa mga bigating bisita,
angat-ulo sa mga butas ang bulsa.
Mas mabigat na ba ang pandesal
sa kamay kaysa kutsilyo?
Mas malasa na ba ang harina
sa labi kaysa dugo?
Tahan na, totoy, malapit nang mag-hapunan.
Madilim nanaman ang hapag-kainan…
wala ka namang kasalanan?
Sirain niyo na lang ang pinto!
Nanlalamig na ang mga kamay at paa,
kasing lakas ng kalabog
ang sigaw ng sikmura.
Tulong,
hindi matigil-tigil ang,
tulong!
Shhh!
Maririnig ang hikbi sa magkabilang sulok.
Bakante ang mga upuan,
malawak ang tahanan,
pero naninikip ang dibdib
sa tuwing ito’y titingnan.
Wala siya dito!
Hanapin niyo para madala sa presinto!
Sino ba kasing nagsabing masarap ang pandesal?
Bakit ang lasa ko’y bakal imbis na asukal?
Mali ka naman inay.
Kung maliit ang pandesal…
bakit ganito kalaki ang bayad?