PAMUNAS NI INA
Dumanak ng dugo, bumaha ng luha, umagongong ang hiyaw na tulong. Takbo rito, takbo roon, tago rito, tago roon.
Nakaririndi ang pag-iyak.
Nagmistulang bulubundukin ang paligid, dahil sa tumbon-tumbon na mga bangkay na nakakalat. Nakakatakot, nakabibingi ang mga ingay na likha ng mga pasabog at bomba.
Ang putukan at barilan ay nagmistulang sirang plaka, paulit-ulit.
Sa bawat pagtilapon ng bomba ay kasabay ng pagtilapon ng bangkay, at sa bawat pagputok ng kanyon ay may hagulhol na kasabay.
Nakipaglaban, nakidigma at nagka-isa ang mga katipunero, upang makamtan ang kasarinlan, at ipagtanggol ang inang bayan.
Saklay-saklay nina Andres at ng kanyang hukbong sandatahan ang tabak at baril habang ibinabandera ang duguan at punit-punit na bandila.