PAGPUPUGAY SA PANGULONG AKING KINALAKIHAN
Habang sumasagot ng takdang-aralin, nakuha ng balita sa telebisyon ang aking atensyon nang aking maulinig na binatikos ang kakaupong pangulo matapos itong ngumiti nang panandalian habang ini-inspeksyon ang bus na pinangyarihan ng hostage.
Siguro, hindi nga kaaya-ayang magpakita ng masayang emosyon pagkatapos ng isang trahedyang kumitil ng walong buhay, ngunit napalagay ang aking murang isip at naitanong ko ang aking ama, “Masama na ba ang isang tao dahil lamang hindi siya madaling masiraan ng loob?” Sa pagkakatanda ko, doon namulat ang aking mata sa reyalidad at pagkatapos n’on, ako’y nagsimulang sumali na sa diskusyong panlipunan at pulitika.
Sa murang edad na pito, naging palaisipan na sa’kin ang mga bagay tungkol sa gobyerno at mga pulitiko. Palaging kong inaabala ang aking mga magulang kung bakit may mga batas, ano ang saysay ng mga ito, at bakit hindi ito ipinapatupad nang tama kung minsan. Ang aking pagkabata ay hindi lamang naigugol sa paglalaro at pagpapalipas ng oras. Lumaki ako nang may kamulatan sa nangyayari sa lipunan at masuwerte ako para lumaki sa isang gobyernong matino at disente.
Hindi ko malilimutan ang mga panahong ninanais kong makinig ng State of the Nation Address ng Pangulo bawat taon. Kahit nababagot ang aking napaka batang isip, sinisikap kong pakinggan at intindihin ang mensaheng nais ihatid ng pinakamataas na opisyal ng bansa. Kung may hindi man ako maintindihan, nakadirekta ang aking mga tanong palagi sa aking ina at ama. Mabuti na lamang at hindi puno ng masasamang salita ang talumpati ng pangulo noon.
Nang kinalaunan at ako ay lumaki, mas lalo kong naiintindihan ang mga bagay-bagay. Dahil sa asignaturang Hekasi pagkatapak ko ng ikaapat na baitang, nagsimulang lumawak ang aking isipan at natuto akong bumuo ng sarili kong opinyon. Pagtungtong ko ng ikalimang baitang, nalaman ko ang kasaysayan ng Martial Law at kung paano napatalsik ang diktador ng mga Pilipino, kasama ang ama at ina ng nakaupong pangulo.
Dahil doon, mas naging mapagmatyag ako sa mga polisiya at desisyong ginagawa ng pangulo. Gustong makita ng aking munting sarili kung sumusunod nga ba siya sa yapak ng kaniyang mga magulang, hinihigitan nga ba niya ang mga nagawa ng mga ito o hindi niya nabibigyan ng hustisya ang responsibilidad na iniatas sa kanya.
Bago ako nagtapos ng elementarya, mas luminaw na sa akin na tunay ngang ginawa niya ang kaniyang trabaho bilang pangulo nang mabuti at may integridad. Gumawa siya ng mga desisyong tama kahit hindi popular. Hindi siya pumatol sa sandamakmak na batikos sa kaniya. Dahil sa kaniyang simpleng pamamalakad, sumunod ang Pilipinas sa Tsina sa mga bansang may pinakamabilis na paglago ng ekonomiya. Patuloy na dumami ang mga Pilipinong may trabaho. Idinulog niya sa pandaigdigang korte ang ating apela sa West Philippine Sea. Mas tumaas ang pagtanaw ng mundo sa Pilipinas. Ang paborito ko? Napakababa ng presyo ng petrolyo nang panahon niya.
Oo, hindi naging perpektong pangulo si PNoy. Kahit siya ang pangulong kinalakihan ko, kinikilala ko pa rin ang mga karapatang pantaong nalabag nang panahon niya na kailangan pa ring panagutan. Hindi ko pinipikit ang aking mga mata at tinatakpan ang aking mga tenga kung pinag-uusapan ang masaker na nangyari sa Kidapawan at Hacienda Luisita. Hustisya pa rin ang sigaw ko para sa kapwa kong Pilipinong nagdusa sa kaniyang administrasyon. Ngunit aminin man natin o hindi, mas napabuti ang buhay ng Pilipino noong panahon niya.
Ipagkakaila kong lumaki ako sa gobyernong matino at disente. Sa gobyernong kinikilala ang taumbayan bilang kaniyang mga boss. Sa gobyernong naging matapat sa tungkulin nito sa bawat Pilipino. Sa gobyernong naging huwaran sa bawat batang lumaki noon katulad ko. At ngayon na pumanaw na siya, nakakintal at hinding-hindi na mawawala sa aking isipan ang nagawa ng pangulo na aking kinalakihan.