Letters of Youth

PAGKARAAN NG 20 HANGGANG 30 TAON, PATAY NA AKO

/ 17 November 2021

Patay na siguro ako pagkaraan ng 20 hanggang 30 taon. Bukod sa walang katiyakan ang pagbabanta ng pandemya, hindi rin maitatanggi ang kapahamakan sa larangan na aking tinatahak. Matindi ang pakikipagbalyahan na ginagawa ng mga mamamahayag lalo na sa mabilisang pihit ng pulitikal na sitwasyon ng bansa. Hindi ko alam baka sa isang iglap ay may tatagos na lang na tingga sa aking ulo, may hihiwa sa aking leeg, o magpapasabog ng aking sinasakyan. Sa bawat balita at katotohanang inilalahad, laging nakalibing sa hukay ang isa kong binti. Subalit kung aabot man ang araw na iyon, sisiguraduhin kong mamamatay ako nang may laban. 

Kapag ako namatay, sana walang maglagay ng pagkain sa aking puntod. Hindi naman ito kakainin ng bangkay kong naaagnas, mapapanis lang. Mas nanaisin kong ialay ninyo ang mga sarili upang isabuhay ang mga aral na aking itinuro sa bawat sulok ng silid-aralan. Ilang beses ko man na ibinalik ang inyong mga gawa na maaaring may kaunti o malalang tinta na kulay pula, gusto ko lang pag-alabin ang inyong mga salita na walang inuurugan at sinasantong halimaw. Isaisip at isapuso kung para kanino tayo nagsusulat at kung para kanino tayo nagpapatuloy tumindig. 

Suotan sana ako ng pulang damit at lipstik hanggang sa dulo ng aking libing. Ang pula ay simbolo ng mga tintang nagbigay espasyo upang mapaunlad ang militanteng pagsulat, at kulay na ibinabandila ang aking paglaya at paglaban. Tintang pula ang nagbibigay buhay sa plakard na aking binibitbit tungo sa pakikipagbalagtasan sa lansangan, lipstik na pula ang tumitindig at nagpapalakas sa aking aura upang alipustahin ang mga misodyinistikong tingin sa aking komunidad. Isa akong bakla, na batid kong alam ng lahat, pero noon pa man ay pakiramdam kong higit pa ako rito – isa akong babae. Gamit ang pulang blusa ay harap-harapan na inaabante ang karapatan ng mga kababaihan at ng komunidad para sa isang kalayaan na pilit iginagapos ng lipunan. 

Ibuhos ang lakas hindi sa pagluha at paghahangad na ako ay muling mabuhay, kung hindi ang muling pagbabalangkas kung paano palalakasin ang puwersa ng hanay. Hindi natitigil ang pagpaslang at pang-aabuso sa mga kapwa natin mamamahayag at maging sa masang pinagsisilbihan. Walang oras upang lumuha, walang uring pinipili para abusuhin, kaya’t walang panahon din na dapat aksayahin upang ipagtanggol ang karapatang atin. Batid kong hanggang sa mga susunod na taon, katulad ng ating kalagayan ngayon, patuloy na raragasa ang mga kaalamang ikinukubli sa atin ang katotohanan. Nakapapagod at nakakatakot. Pero laging isaisip na ang takot na iyon ay isang imbitasyon para mas kumapit at umusad. 

Sa pagluluksa, sana walang pagsisisi. Sana walang magsabing “bakit iyan kasi ang iyong piniling larangan?” Wala kang dapat ikahiya, dahil sa landas na ito, kahit mapanganib ay naramdaman kong maging masaya. Sinubukan kong lumabas sa sarili kong bangka kahit na masyadong malakas ang hampas ng mga alon. Natutunan kong pag-aralan na lumangay nang sa gayo’y kahit anong laki ng daluyong ay kaya kong suungin. Elementarya pa lang nang magsimula ang interes sa pamamahayag hanggang dinala sa hayskul. Hinulma ng mga karanasang magkakahalong pagkapanalo, pagkatalo, at pagkadismaya. 

Pumasok sa kolehiyo na may mababaw at hilaw na kaalaman sa dyornalismo, subalit habang lumilipas ang oras ay mas nagiging malinaw na sa dinami-rami ng mga kursong napusuan, ito ang piniling sandigan. Natutong lumusong sa pusod ng masa, alamin ang kanilang kalagayan, makisama, at ipaglaban ang kanilang panawagan. Sa puntong ito, napagtanto ang aral na paulit-ulit kong naririnig na ang teoryang walang praktika ay baog, ang praktikang walang teorya ay bulag. 

Ipinamukha sa akin ng kolehiyo na ang pagiging mamamahayag ay higit pa sa ilang parangal at medalyang naigawad. Hindi kapwa mamamahayag ang kalaban at nagpapaungusan sa kung sino ang magaling, pero sa kung ano ang dapat pabagsakin – iyon ay ang mga uring nagsasamantala sa mga Pilipino. Hanggang sa nakapasok na sa mga pahayagan at natutunan pa ang maraming bagay. Sana sa aking huling lamay, wala nang pagtatalong mangyari sa pagitan ng pamilya. Lumaki ako sa larangan na ito na ulit-ulit na nakipagtalo sa mga ideolohiyang ipinapaglaban, awat naman na siguro. Nariyan iyong mga sagutan sa kung sino ba talaga ang mga tunay na mamamahayag, kailangan ba magkaroon ako ng kasong libelo o ano pa para masabing nagagawa ko ang tungkulin ko, at marami pang iba. 

Naalala ko na minsan kaming hinamon ng aming propesor kung kaya naming magbigay ng listahan ng mga karapat-dapat tawagin na peryodista. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin siya natatapos, pero gusto kong isaisip ninyo ang hamon din na ito, at ipasa pa sa iba. Magpatuloy man ang pagbabawas sa ating hanay, huwag mapagod na magpunla pa ng ilang butil, habang ang naaagnas kong katawan ang magsisilbing pataba sa lupa. Dadalhin ko ang bawat tagumpay na aking natamasa, bawat parangal na natanggap, mga artikulong umani ng atensyon at pagkamulat. 

Hindi lamang umiikot ang pag-abante sa pag-angat ng plakard, pagsigaw, at paglakad sa lansangan. Hinihingi nito ang buo mong lakas dahil ang pamamahayag ay isang tipo ng aktibismo at hindi terorismo. Kung kaya’t ang pagpayag na sila ay gapiin ay pagpayag na muling ibalik ang bangungot na minsang ipinadama sa mga Pilipino; mistulang pagpayag na putulin ang sariling tainga at dila.

Ito ang pinili kong landas – naglalaro sa pagitan ng langit at impyerno. Pero, hindi ito ang iiwan kong lipunan kung sakali man na sa gitna ng banggaan ay mamatay ako, gagapang at dadalaw ang aking dugo sa mga paulit-ulit na binubusalan ang demokrasya.