PAANO NAGPAPASKO ANG MGA HINDI NAGPAPASKO?
Sa tuwing pinag-uusapan ang pasko sa Pilipinas, hindi mawawala ang tipikal na kwento ng isang masaya at kontentong pamilya na nagsasalo-salo kahit sa munting pagkain lamang. Hindi rin mawawala ang istorya ng mga pulubi sa lansangan sabay-sambit ng tanong na “Paano kaya sila nagpapasko sa kalsada?” Hindi rin nakakaligtaan ang kwento ng mga nasa bilangguan kasunod ang tanong na “May kalendaryo ba sila para malaman nilang pasko na?” Ang kwento ng tipikal na pamilyang Pilipino, mga pulubi sa lansangan, at mga preso sa bilangguan ay mga kwentong madalas nating matunghayan kapag sumasapit na ang kapaskuhan. Pero kailanman ay hindi ko pa narinig sa radyo at telebisyon o nakita sa pahayagan at facebook na binagtas ang istorya ng mga hindi nagpapasko. Halina’t galugarin natin ang kwento kung paano nagpapasko ang mga hindi nagpapasko.
May iba’t ibang dahilan ang mga tao kaya pinipili nilang huwag magdiwang ng pasko. Ang dahilan na maaaring unang pumasok sa isip natin ay relihiyon. Ngunit bukod sa espiritwal na paniniwala, marami pang maaaring dahilan upang hindi magpasko. Maaaring nag-iisa na lamang sa buhay ang isang tao kaya hindi na niya nakikita ang saysay ng pagdiriwang ng pasko kung mag-isa lang naman. Maaari din namang may bubog ang isang tao sa araw ng pasko, iyong para bang traumatic ang Disyembre 25 dahil may namatay na kamag-anak o kaibigan sa araw na iyon o iyon ang araw na nakipaghiwalay ang karelasyon. May iba’t ibang paniniwala at dahilan para hindi magpasko ang isang tao. Hindi layunin ng sulating ito na sukatin at tayahin ang mga paniniwala o di kaya ay pagtunggaliin ang paniniwala ng isa sa isa. Layon nitong maglatag ng mga ideya at pahayag na maaaring kinahaharap ng mga taong hindi nagpapasko gayong sila ay nakatira sa Pilipinas na 90% ng mamamayan ay nagdiriwang nito.
Ang kapaskuhan sa Pilipinas ay pansin sa mga parol at pailaw, amoy sa malamig na simoy ng hangin, lasa sa mga pagkain at inumin, dinig sa mga tawa at sigla, at dama sa ngiti at galak ng bawat pamilyang Pilipino. Ang diwa ng paskong Pinoy ay nakaukit na sa ugat at nananalaytay na sa dugo ng mga Pilipino. Ito ay bahagi na ng kultura at tradisyon ng bansa na nakaugnay sa musika, indak, pagkain, batas, gawi, at pananalita. Kaya naman kung ako ang nasa posisyon ng mga hindi nagpapasko, parang magiging mahirap na hindi ako maging konektado sa pasko kung napalilibutan ako ng kultura ng paskong Pilipino.
Matapos dumalo sa misa ng Simbang Gabi, hindi maaaring hindi ka mapalingon sa mga tindera sa labas ng simbahan na nagpapabaga ng uling at nagbibilot ng dahon ng saging. Natatakam din ba ang mga hindi nagpapasko sa aroma ng natutunaw na mantikilya sa ibabaw ng bibingka at halimuyak ng sariwang niyog at tamis ng asukal sa puto bumbong? Napakasarap pa naman ng bibingka at puto bumbong, iyong tipong kapag inihain sa hapag ay wala ka nang magagawa kundi lantakan ito. Nalanghap na ba nila ang ganoong amoy at masasabi na rin ba nilang ang sarap sa pang-amoy ng paskong Pinoy?
Kultura din ng mga Pilipino ang magdisenyo ng bahay tuwing may okasyon lalo na kung pasko. Magsusulputan ang mga Christmas lights at Christmas balls na halos kalahating taong itinago sa baul. Ilalabas na rin ang iba’t ibang uri ng parol, may yari sa plastik, kahoy, patpat, cardboard¸ at kung ano pa. Naranasan na rin kaya nilang mag-ayos ng bahay kapag papalapit na ang pasko? Christmas lights at Christmas balls din ba ang tawag nila sa Christmas lights at Christmas balls? Naisipan na rin ba nilang maglabas ng parol sa bintana o pintuan at masasabi na rin ba nilang ang sarap sa paningin ng paskong Pinoy?
Kilala ang mga Pilipino sa paghahanda ng masasarap ng mga pagkain lalo na tuwing pasko. Nariyan ang matamis na Filipino style spaghetti, pansit na pampahaba ng buhay, shanghai na hindi nawawala sa mga handaan, creamy at magatas na fruit salad, keso de bola na palaman sa tinapay, hotdog-on-a-stick na itinusok sa repolyo at marami pang iba. Bahagi rin ng kultura natin ang pagbabalot ng mga pagkain tapos ay kakatok sa mga kapitbahay upang magbigay ng handa. Paano kung magbigay ng pagkain ang kapitbahay ng isang taong hindi nagpapasko? Tatanggapin ba niya ito o hindi? Kung tanggapin at matikman man niya ang handa ng kaniyang kapitbahay, masasabi na rin ba niyang ang sarap sa panlasa ng paskong Pinoy?
Isa sa mga palatandaan na panahon na ng kapaskuhan sa Pilipinas ay kapag naririnig mo na ang mga riffs and runs ng Queen of Christmas na si Mariah Carey at ang malamig na tinig ng King of Philippine Christmas Carols na si Jose Mari Chan. Ang kanilang mga awitin ang madalas na patugtugin ng mga nanay habang naglilinis at nagdidisenyo ng bahay tuwing umaga. Idagdag pa ang mga awitin na “Sa May Bahay Ang Aming Bati,” “Kumukutikutitap,” at “Ang Pasko Ay Sumapit” na kadalasang piyesa ng mga bata sa pangangaroling. Paano kaya kung may mga batang mangaroling sa bahay ng mga hindi nagpapasko? Ipaliliwanag ba nila kung bakit hindi sila nagdiriwang ng pasko o itatago na lamang nila ang dahilan sa katagang ‘patawad’? Naranasan na rin ba nilang maki-jamming at makiindak sa mga kantang ito? Pinatutugtog din kaya nila ang mga ito at masasabi na rin ba nilang ang sarap sa pandinig ng paskong Pinoy?
Hindi rin mawawala sa paskong Pinoy ang pagbibigayan ng mga regalo. Tanda ito ng pagmamahalan at pagkakabuklod-buklod ng isang pamilya o ng isang samahan. Hindi mahalaga ang anyo, laki, hugis, at dami. Ang mas importante ay ang inisyatibong makapagbigay at makapagpasaya. Naranasan na rin kaya nilang makatanggap ng regalo tuwing pasko? Tatanggapin ba nila ito o hindi? Kung tanggapin man nila ang regalo, masasabi na rin ba nilang kakaiba ang saya kapag nakatatanggap ng regalo at ang sarap sa pakiramdam ng paskong Pinoy?
Hindi lang sa linamnam ng pagkain, halimuyak ng mga kakanin, ningning ng mga pailaw, dagundong ng mga awiting pasko, at makukulay na mga regalo mababakas ang paskong Pinoy. Makikita rin ito sa mga institusyon, opisina, at mga pook-libangan sa lipunan. Kapag holiday season na sa bansa, hindi mahulugan ng karayom ang mga mall dahil ang mga karatulang “Christmas Sale!” ay nagsusulputan na naman. Nagtutungo rin ba ang mga hindi nagpapasko sa mga mall upang samantalahin ang mga Christmas sale na ito? Nag-add to cart din kaya sila noong 12.12 Christmas sale? Isa sa mga inaabangang balita tuwing New Year ay ang mga New Year babies. Paano kung maging trending din ang mga Christmas babies at ang ospital na pinagsilangan ay magbigay ng mga regalo tulad ng mga damit, scholarship grant at iba pang benepisyo sa mga sanggol na kabirthday ni Hesus, tatanggapin kaya ito ng pamilyang pagkakalooban gayong hindi naman sila nagdiriwang ng pasko? Maging sa mga opisina at trabaho ay mayroong kultura ng pasko. Nagbibigay ang mga kompanya ng mga benepisyo tuwing kapaskuhan. Tatanggapin kaya ng empleyadong hindi nagpapasko ang Christmas bonus?
Dahil sa sobrang hitik ang kultura ng paskong Pinoy, makikita ito sa halos lahat ng aspeto. Kaya naman hindi ko lubos maisip kung paanong pag-angkop ang gagawin ko kung ako ay hindi nagpapasko samantalang napalilibutan ako ng mga nagdiriwang nito. Napapaisip tuloy ako kung paano napapalipas ng isang pamilyang hindi nagpapasko ang Disyembre 24 at 25. Alam naman nating nagkakaroon pa ng countdown kung ilang oras na lamang bago ang pasko kaya ang paghahanda ng salusalo ay sa Disyembre 24 bilang bisperas at Disyembre 25 naman bilang araw mismo ng pasko. Ngunit mabuti sana kung dalawang araw lang ang palilipasin. Ayon sa kanta ni Yeng Constantino, “May tatalo pa ba sa pasko ng Pinas, ang kaligayahan nati’y walang kupas.” Kung pahabaan ng pagdiriwang ng pasko ang pag-uusapan, e baka nga walang tatalo sa paskong Pilipino. Ang Pilipinas lang naman kasi ang may pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko sa buong mundo! Nagsisimula ito sa unang araw ng ‘ber’ months o 100 araw bago ang araw ng pasko at nagtatapos sa ikatlong linggo ng Enero. Ibig sabihin, humigit-kumulang sa apat na buwan ang panahon ng kapaskuhan sa Pilipinas.
Talaga nga namang masarap magdiwang ng pasko. Wala ka nang hahanapin pa sa panahon ng kapaskuhan. Nakabubusog sa paningin, kumikiliti sa pang-amoy, umaariba sa panlasa, humahaplos sa pandinig, at tumitimo sa pandama. Ngunit huwag nating hayaan na matabingan ng makulay na pasko ang totoong diwa nito, ang pagmamahalan. Kalakip ng pagmamahalan ay ang paggalang at pagbibigay ng respeto sa ating mga kapwa. Sana katulad ng mga kwento ng tipikal na pamilyang Pilipino, mga street dweller sa lansangan, at mga preso sa bilangguan, huwag nating kalimutan na tuwing pasko ay mayroong hindi nagpapasko. Hindi lahat ng tao ay magkakatulad mag-isip kaya naman magkakaiba tayo ng mga opinyon at kagustuhan. Dapat ay igalang natin ang pinaniniwalaan ng mga taong pinipiling huwag magdiwang ng pasko.
Ang sabi ng iba ay normal na lamang para sa kanila ang hindi magpasko at may ilan namang nagsasabing nasanay na silang hindi nagpapasko kaya hindi na rin nila namamalayan. Siguro nga ay kung nakagisnan mo namang hindi talaga nagpapasko, baka nga hindi na iyon ganon kahirap para sa iyo. Nakatatawa mang basahin at isipin ang mga pahayag at katanungan ngunit ito ang realidad ng mga hindi nagpapasko sa lipunan. Ito ang kanilang sitwasyon sa gitna ng maimpluwensiya at mayamang kultura ng paskong Pinoy. Ganito nagpapasko ang mga hindi nagpapasko. Paano?