NGAYON NA
Lumulutang ako. Lumulutang ako ngayon. Lumulutang ang isipan ko ngayon. Hindi ako mapalagay ngayon sa higaan ko kasi natatakot ako. Natatakot ako para sa bukas. Hindi ko kasi ito nakikita – at alam ko naman na wala tayong kakayahang makita kung ano nga ba ang mangyayari kinabukasan, o kaya mamaya. Walang kasiguraduhan ang mga magaganap. Maaaring nasa panig mo ang tadhana pero baka pagkalipas lamang ng isang segundo, babaligtad na ang lahat. Mahilig mambigla ang hinaharap – madalas pasulpot-sulpot na lamang ang mga pangyayari. Mahilig silang magpakita sa mga sandaling hindi ka handa – pero kailan nga ba tayo nagiging handa? At hindi ko alam kung paano haharapin ang lahat ng ito. Kaya natatakot ako.
Hindi ako matahimik. Tahimik ang paligid ko pero parang napakaingay. Naririnig ko ang mga bulong ng lumipas. Nakikita ko ang mga multo ng nakaraan. Nais ko na silang lubayan subalit tila sinusundan pa rin nila ako. Ang alam ko’y tapos na ang misyon ko sa kanila subalit bakit laging kumakatok sa akin ang mga gunita. Bakit lagi akong dinadalaw ng mga alaala? Aaminin ko, minsan tumatakbo ako’t tinatakasan ang mga ito dahil naduduwag akong harapin sila. Nawawalan ako ng lakas ng loob na tingnan ang mga “mukha” nila – tila tinatakasan din ako ng aking kaluluwa.
Madalas magparamdam ang nakaraan at ang hinaharap. Kung minsan ay halos sabay silang kakalabit sa iyo – hindi ko alam kung paano nila nagagawa ang ganoong bagay. Minsan, mas mauuna ang isa ngunit susunod naman ang isa. Hindi sila elemento o kung anumang uri ng katawang-lupa, pero kadalasan, sila ang dahilan kung bakit tayo natutulala, napapatigagal, napapaiyak, nangangamba, at nanghihina.
Gayunpaman, hindi ba’t ang nakaraan at hinaharap din ang naghahanda sa atin para mabuhay sa kasalukuyan?
Sa gitna ng takot at pagkaduwag, nahahanap natin ang katapangan ng loob upang malagyan na natin ng kandado ang mga pintong akala natin ay naisarado na natin at upang tumuloy sa mga lagusang walang kasiguraduhan kung saan ang patutunguhan. Nabibigyan tayo ng pagkakataong sulitin ang bawat sandali ng buhay dahil nalalaman nating hindi ang nakaraan ang magsasabi kung ano nga ba tayo bilang mga nilalang ng mundo. Nagkakaroon tayo ng oras upang makapagnilay-nilay na darating talaga ang puntong kailangan nating pumli ng daan para makita kung ano ang naghihintay sa kinabukasan. Sa matagal na pagkakapiit sa dilim at pagkaligaw sa kawalan, tinuturuan tayo ng kasalukuyang sumugal upang makuha ang sulo na siyang magbibigay liwanag sa ating kapalaran.
Aaminin ko, hindi pa rin ako natatahimik at napapalagay sa sitwasyon ko. Pero sa pamamagitan ng pagpili sa buhay sa kasalukuyan, alam kong mawawala rin ang mga multo ng nakalipas at ang pagkatakot sa katok ng hinaharap. Ang paghahanap ko ng aking saysay ay matagal nang nagsimula – sa katunayan ay nag-umpisa ito noong nabigyan tayo ng hininga. Ngunit para tuluyan na natin itong mahanap, kailangan lang nating tumingin sa mga simpleng bagay at detalyeng nasa paligid natin.
Bitiwan at pakawalan mo lamang ang mga iyan sa hangin. Sumuong at ihanda ang sarili sa mga sigwa. Languyin ang malawak na karagatan ng buhay – darating ang mga daluyong at ibang hindi inaasahang hindi kanais-nais. Pero hindi panghabambuhay ang ganitong dilim. Sapagkat makaaahon ka rin sa lahat ng ito, at tiyak na makararating sa pampang ng inilaang paraiso.
Ito na ang senyales. Simulan mo na.