NASAAN NA NGA BA TAYO, KAYA NA BA?
Kung ako ang tatanungin ninyo, nandito lang ako sa aming maralitang tahanan, nakaupo habang tinatamasa ang mga pribilehiyong ibinigay sa akin ng aking mga magulang habang naghihintay ng muling pagbabalik ng klase sa makalawa.
Ikaw, nasaan ka? Bayan, nasaan na tayo?
Ilang buwan na rin ng simulan kong ikulong ang aking sarili sa aming tahanan upang maiwasan ang sakit na dulot ng pandemya, ngunit ako’y napaisip kung papaano na ang mga kapwa kong mag-aaral na salat at hindi kayang sumabay sa agos ng tinatawag nilang “new normal”?
Kung ako’y inyong tatanungin kung ikinatuwa ko ba na habang ako’y ligtas sa pandemya at nagmumuni-muni lamang kasama ang mga pribilehiyong inilatag sa akin, ang sagot ko ay hindi. Hindi sapat na ako at siya lang ang may pribilehiyo, dapat tayong lahat.
Ngayon, bayan, kaya na ba nating tugunan ang mga pangangailangan ng mga estudyante?
Habang hindi pa maayos ang internet sa bansa, habang may pursyento pa rin ng paaralan sa bansa ang walang internet, at habang may mga komunidad pa rin na walang kuryente, ay sa tingin ko hindi tayo magiging handa.
Sa pagtawag ng pansin ng ating presidente sa mga telecommunications companies sa bansa upang mabigyan ng agarang solusyun ang problema sa koneksyon ng internet, magkakaroon nga ng pagbabago?
Is change really coming sa koneksyon ng internet?
Tayong mga estudyante ba’y dapat na umasa sa mas mabilis na koneksyon bago ang pagbubukas ng susunod na taong panuruan?
Habang tayo’y nag-aabang ng mga tulong at pagbabago, inaanyayahan ko ang aking mga kapwa mag-aaral na kung hindi man marinig ng nasa pwesto ang sigaw nating #AcademicFreeze, tayo’y sama-sama upang maipaabot sa mga may awa ang pangangailangan ng ating mga kapwa mag-aaral.
Ikaw, kung nasa bahay ka lang naman at hawak hawak ang iyong selpon, gamitin mo naman muna iyan upang makibaka kasama ng ating mga kapwa estudyante na sila’y mabigyang pansin.
At upang sa oras na ika’y tanungin ni Dr. Jose Rizal kung nasaan na ang mga kabataang pag-asa ng bayan, ang iyong maisasagot ay nasa mabuti tayong kalagayan, hindi lang ako at ikaw kundi tayong lahat.