Letters of Youth

MARTSA

/ 29 June 2022

Hindi mali
ang pagsaliwa
sa ilog na
rumaragasa.

Hindi masama
ang pagsalungat
sa alamat
na iniukit na.

Hindi kasalanan
ang pag-iwas
sa nakasanayang
landas.

Hindi paglabag
ang pagtaliwas
sa mga
iniwang bakas.

Sapagkat
magkakaiba tayo
ng anyo
ng banyuhay.

Sapagkat
iba-iba tayo
ng paraan
para mabuhay.

Sapagkat
pare-pareho naman
tayong nilalang
ng sansinukob.

Sapagkat
tayo-tayo rin
ang magpapalaganap
ng pag-irog.

Ang pag-ibig
ay hindi
lamang
pula.

Mayroon ding kahel,
dilaw,
luntian, asul,
at lila.

Tingnan ang
pagitan
ng puti
at itim.

Pag-aalsa
ang pagmartsa
ng liwanag
sa dilim.