MALAYO PA ANG TATAHAKIN SUBALIT KAKAYANIN
Natatanaw mo na ba ang mga pangarap na matagal mo nang inaasam? Nalalasap mo na ba ang tamis ng tagumpay mula sa araw-araw na pagod? Sa mga gabing tila ba wala ng bukas kaya’t patuloy ka parin sa iyong pagsisikap na kung minsan pa’y inaabot na ng sikat ng araw.
Ilang pahina na ba libro ang natapos mo? Ilang tasa na ba ng kape ang naubos mo? Ilang papel na ba ang nalukot mo sa paulit-ulit na pagkakamali?
Pilit ka na bumabangon sa umaga kahit pagod na pagod ka pa. Pilit na iminumulat ang mga mata at tanging hiling ay kahit isang minuto pa. Sa kabila ng lahat ng sakripisyo para sa mga pangarap, tila ba’y napakalayo pa rin nila. Marami na ang pagkatalo, marami na ang pagkakadapa. Araw-araw na nalulugmok sa paulit-ulit na sistema ng kawalan at pagkabigo. Saan nga ba ito patungo?
Ito ay para sa iyo at para sa mga laban mo. Marami kang pangarap, kaya’t higit na kaylangan mo ng higit na lakas. Datapwat alam mong hindi tiyak at mas lalong hindi madali subalit iyong susubukan—-iyan ang tunay mong lakas. Hindi ka tulad ng iba. Salat ka man sa yaman at mga materyal na bagay subalit sagana ka sa kabutihan at pag-asa—- iyan ang mas mahalaga.
Ang bawat umaga ay bagong pagkakataon upang magsimula at subukang muli. Huwag kang matakot lumaban dahil ang pagkatalo ang s’yang higit na magpapalakas sa’yo. Sa sandaling nais mo nang sumuko, isipin mo kung bakit ka nagsimula. Isipin mo ang mga pangarap at inspirasyon mo. Tila ba malayo pa ang hinaharap ngunit magtiwala ka na darating ito sa tamang panahon at pagkakataon.
Saludo ako sa pagsisikap mo. Tunay kang mahusay at kahanga-hanga. Kaya’t huwag kang susuko. Dahil sa bawat pahina na iyong binabasa, sa bawat linya na iyong iginuguhit, sa bawat kumpas ng iyong mga kamay ay hakbang papalapit sa iyong inaasam na tagumpay. Malayo pa ang tatahakin subalit ito’y iyong kakayanin.