Letters of Youth

KUNG PAANONG NAHUBOG AKO NG BUWAN NG WIKA

Nasa ika-4 na baitang ako noon nang makilala ang Filipino. Ako ang ipinanlaban sa Tagisan ng Talino at suwerteng nakaabot sa division level bilang ikaunang puwesto. Ang mentor ko ang nagtitiyaga sa akin para mahalin ang kurso ko na ngayon. Ang nasa isip ko noon habang naglilipat si ser ng flash cards, “bakit pa ba ‘ko lalayo?”

/ 29 August 2020

Naalala ko pa ang isa sa mga pambato naming tanong. Ilan ang kambal katinig sa kutsilyo? Tama si Sir Ryan Atezora, ang dalubhasa kong guro sa Filipino na kasalukuyang punong-guro sa 15th Avenue Elementary School, na maraming magkakamali sa tanong na iyon. Aakalain nilang may isang kambal—katinig na ang tamang sagot ay wala. Para kasi nating napagsasama sa isang pantig ang t at s na parang c at h sa Ingles. Hindi dapat magpakampante.

Totoong hindi naman naaalala ng isang estudyante ang tinuturo ng guro sa loob ng silid-aralan, hindi siguro lahat. Mas natatandaan ko ang mga turo nila sa akin sa buhay sa mga pagkakataong kailangan ko ng payo. Sunod-sunod na itlog ang nakuha ko sa isang round sa division level at halos mangiyak-ngiyak na akong nakatingin kina mama at Ser Ryan na nasa pintuan. Habang nagco-contest, inaalala ko ang dulot ng pisong nakaipit sa medyas. Suwerte raw iyon sabi ni mama. Ako pa rin naman ang nag-uwi ng unang gantimpala. Binulong sa akin ni ser na hindi ko dapat palitan ang sagot kapag hindi ako segurado sa ipapalit.

Tinuro ni ser sa akin na kailangang maging matapang anomang desisyon sa buhay, sa pagharap sa una nating sagot nang wala tayong pagsisihan sa bandang huli. Bago ko nakamit ang gantimpala, nakita muna akong umiyak ng iba pang mga magulang sa silid-aralan na pinagdarausan ng Tagisan ng Talino. Siguro sa iba nakakatawa iyon pero sa akin sulit ang pagluha— ang sandaling pagbagsak para agad na makaahon.

Syempre hindi lang naman sa isang contest natatapos ang lahat. Una kong nasubukan ang Sabayang Pagbigkas noong ika-6 na baitang. Iyong nagtuturo sa amin ang nagsabing ako raw ang sumimbolo sa isang dalagang Filipina. Narinig ko sa kaniyang Filipinang-Filipina raw ang ganda ko. Sa totoo lang, ang madalas na nagsasabi sa akin noon ay ang matatanda dahil ang mga kasing-edad ko puro asar lang ang alam. Ewan ko ba? Totoong iba-iba nga tayo ng panlasa di lang naman sa pagkain pati sa ganda.

Dito ko rin pineke ang luha ko sa pag-akting. Habang kinakabahan, iniisip kong baka hindi ako makaluha kaya naman katulong ni mama sa likod ng stage ay naglagay kami ng Katinko sa gilid ng mga mata. Pati mga kaklase ko ay nanghingi na rin. Kami ata ang mga unang tito at tita’s of Manila. Naging matagumpay naman, kahit ang Katinko, kasama ng kalapati ay umabot hanggang division level na ginanap pa noon sa Quezon City Hall.

Kahit luha ko nilalamig noon, bukod sa kaba at umaambon pa ay nabalitaan naming napukpok si papa ng mga pulis sa ulo matapos bumarikada para maipagtanggol ang aming bahay noon sa Old Balara. Ang luha ko patuloy lang na nilalamig, paano ba naman kasi may kailangan pa kaming tapusing pagtatanghal. Kaya naman ang luha sa loob ng Sabayang Pagbigkas na iyon ay totoo.

Bawat Agosto, may mahahalagang pangyayari sa buhay ko at sa wika. Hindi man marahil makita ng iba ang kahalagahan ng pagdiriwang nito dahil sa alalahanin sa mundo at kani-kaniyang pamilya, mahalagang tayo bilang kabataan ay matutong magpahalaga rito. Kasabay ng pagtatanggol natin sa wika ay ang pagtatanggol natin sa mga alaalang nalikha tuwing Agosto, sa mga taong nakasabay nating magsanay tuwing may pa-contest, at syempre ay ang pagtatanggol din sa kultura, teritoryo, at ang pinakamahalaga sa lahat ay ang ating salinlahi. Kaya naman, ang patuloy kong maipapangako ay ang makapagtapos sa kursong Batsilyer sa Edukasyong Filipino at ang patuloy na lumikha ng mga batang may higit na pagmamahal sa ating bayan sa pamamagitan ng pagmamahal sa wika.