Letters of Youth

KUMUNOY NA IKININTAL NG NAKARAAN

/ 30 March 2021

“Babae ka lang”, iyan ang katagang madalas natin mapakinggan. Masakit isipin pero ito ang katotohanan na iminulat ng lipunan. Mula sa taga-paglinis ng tahanan, tagapag-alaga ng bata hanggang sa pag-aaral ay tila nawalan na ng karapatan ang kababaihan. Isang maituturing na kumunoy ng buhay. Ikinulong sa ideolohiyang lalaki lang ang may karapatan at kapag babae ka? Pang bahay ka lang.

Mahina ka kapag nagpalamon ka sa ideolohiya na ikinintal ng nakaraan, ngunit dahil babae ka ay napatunayan mo na ikaw ay isang babaeng ilaw ng tahanan na nagbibigay liwanag sa kasalukuyan. Ang babaeng tagapag-alaga ng anak noon, ngayon ay isang babae na handang maglingkod sa bayan. May kakayahang magpahayag, bumoto at mailuklok sa pwesto. Kayang maglakad sa bayan tungo sa magandang hangarin at kapakanan ng tao. Hindi na sila pipi, bingi at bulag para hindi magsalita, marinig at makita ang problema ng bansa. Sila na ngayon ay binigyan ng karapatan at kapangyarihan para paglaganap ng liwanag. Liwanag na hindi sila babae lang bagkus isang babae na mag aahon ng karapatan ng kapwa nila babae hanggang sa maabot ang matamis na mithiin. Ang kababaihan ngayon ay itinataguyod ang kanilang kakayahan sa pamamagitan ng organisasyon na magpapalakas at mag papatunay na kaya nila at hindi sila babae lang. Nagagawa na nilang maging aktibong miyembro ng lipunan. Kaya niyang magpalaki ng supling na magiging pag-asa ng bayan, kaya nilang bumoto ng politiko na mag-aahon sa kahirapan ng bansa at higit sa lahat kaya nilang ipag tanggol ang karapatan na ipinagkait ng nakaraan. Wala na tayo sa makalumang henerasyon na lalaki lang ang may kakayahan at may boses. Nasa bagong lipunan na tayo na pagkakapantay-pantay ang nakikitang solusyon. Kung babae ka, malakas ka dahil nagawa mong mabuhay sa lugar na pinaniniwalaang mahina ka ngunit sa panahon ngayon, eto ka, malakas, matatag at isa nang bayaning maituturing ng bansa.

Tunay ngang may papel silang ginagampanan sa bayan. Ito ay ang mag hasik ng ilaw na nagbibigay liwanag sa sanlibutan na walang dibisyon ang babae at lalaki dahil lahat tayo ay pantay-pantay. Ano ang kaya ng kalalakihan ay maaaring kaya rin ng kababaihan at ano ang kaya ng kababaihan ay pwedeng kaya rin ng kalalakihan. Ito ay ang kakayahan nilang mag lingkod at iahon ng pantay ang bayan.