KULAY KO, IPAGMAMALAKI KO
Negra, uling, sunog, yan ang tawag sa aming mga kayumanggi. Minsan, kami ang pinupunterya ng mga mang-aapi. Ngunit, wag niyong maliitin ang kulay ng aming balat lalo na kapag Buwan ng Wika ang pag-uusapan dahil kami palagi ang panlaban sa timpalak ng pagandahan.
“Sinugbuanong Binisaya ang wikang kinagisnan. Wikang dayuhan ay akin ring natutunan. Ngunit, iisang wika lamang ang mananaig saan man dalhin ng kapalaran, Wikang Filipino, tatak ng mahal kong bayan,” ani ko sa aking pagpapakilala bilang kalahok sa aming Lakan at Lakambini. Maayos kong naihatid ang linya ngunit hindi ko mapigilang makaramdam ng kaba lalo na’t maraming tao ang nanonood at ang mga hurado ay binubuo ng mga punong-guro ng ibat-ibang paaralan. Dinig na dinig ko ang mga sigaw at hiyawan ng pagsuporta ng aking mga kaibigan na siyang nagpalakas sa aking kumpyansang manalo. Dumating sa punto ng tanungan, ipapakita sa amin ang isang larawan at ihahayag namin ang aming saloobin ukol dito. Sobrang lakas ng kabog ng aking dibdib, ipinakita ang larawan, isang lalaking humaharana sa isang dilag. “Makikita sa larawan kung paano pinahahalagahan ang isang Pilipino. Nasasalamin dito ang respeto ng isang lalaki sa kanyang napupusuang babae dahil pinupuntahan niya ito sa bahay at doon naghahayag ng kanyang pag-ibig. Sana maging pampagising ito sa kabataan ngayon lalong-lalo na sa mga kalalakihan na namulat sa panahon ng makabagong teknolohiya”. Pagkatapos kong sumagot ay nagtayoan ang mga hurado at mga tao, masayang masaya naman ako. Sa paganunsyo na ng nanalo, ako ang tinanghalang “LAKAMBINI 2016”.
Agosto 2019, bagong paaralan, ibang paraan ng paggunita ng Buwan ng Wika. Sa ikahuling araw ng Agosto ang parada sa mga kasuotan na nagsisimbolo sa Pilipinas. Bagamat, malayo pa ang araw ng patimpalak pumili na ang mga guro ng mga modelong magrerepresenta sa Luzon, Visayas at Mindanao. Hindi ko mawari na ako ang mapipili para irepresenta ang Mindanao. Kinabahan ako ng sobra lalo na’t maraming tao ang manonood dahil una, unibersidad ang aking paaralan at ikalawa, wala pa akong maisusuot! Buong gabi hanggang nag madaling araw akong nagtahi sa aking kasuotan, mabuti na lang at maganda ang kinalabasan nito. Dumating ang araw ng patimpalak, habang nagpaparada, nakita ko ang lahat ng estudyante na nakikiisa talaga sa pagdiriwang na siyang ikinagalak ko. Pagdating namin sa paaralan, nabigla kami sa napakaraming kabayong pwede naming sakyan upang maglibot-libot sa kampus. Lalong naging masaya ang pagdiriwang ng may nagpanggap na Elizabeth Ramsey at kumanta ng waray-waray. Sa oras na ng paglabas namin, nagulat ako sa dami ng tao at sa aking mga magiging katungali. Taas-noo naming pinarada ang gaming mga kasuotan. Masayang-masaya ako sa araw na yon dahil maraming nagpalitrato sa akin lalo na ang mga chikiting na naggagandahan sa kanilang mga kasuotan.
Para sa akin, ang Buwan ng Wika ang syang pinakamasayang aktibidad sa isang paaralan. Hinding-hindi ko ikakahiya ang aking kayumangging balat sapagkat isa ito sa mga bagay na sumisimbolo na ako ay isang Pilipino. Mapa-Buwan ng Wika o kahit pa United Nations, ang pagiging Pilipino ang aking dala. Para sa akin, Kulay Pilipino, Tatak Pilipino!