Letters of Youth

KOMISYON

/ 11 June 2023

Napaso na naman ako.

Malimit na nga at tila nasasanay na ako sa pagpapandalas ng buhay ng estudyante.

‘Yun bang kapag binagalan mo ay mapapasama ka sa propesor mong tila nakaantabay na magkamali ka, o baka naman akala ko lang.

Sana nga. Mahirap kalabanin ang mga puwersang hindi ka hahayaang makapalag.

Binilisan ko ang pagkayod sa makati kong katawan, napansin kong nakatulala na naman ako habang naliligo. Sa totoo lang mahirap kalabanin ang lumulutang na sarili at malatoneladang katawan kung kailangan mong maging maaga para sa klase na arimunhan kung maipapasa mo o hindi.

Dali-dali kong sinandok ang bagong saing na kanin at kumurot ng ulam na pampalubag loob sa dila kong nalapnos na naman dahil sa kakuparan kong gumayak.

Binagtas ko ang daan papunta sa aking paaralan at tinapos ang mga klase ko. Matapos ay inasikaso ko naman ang mga estudyante kong naghihintay ng kompirmasyon kung tuloy nga ba ang pagtuturo ko. Tinawagan ko rin ang aking kakilala para sa mga kinokomisyon kong gawain kapalit ng sentimong ipamamaso ko sa bibig ko at sa pamilyang nakasakbit sa akin.

Kausap ko ngayon ang aking kaibigan, ibinibida ko ang galak na mayroon na namang nagpapagawa sa akin ng gawain nila, at malaki na naman ito.

Sa mga ganitong pagkakataon ay nagiging kuneho ako, lundag roon, lundag rito.

Anong hindi ko papatusin kung kapalit ay pangkain?

Malinaw na sa akin ang kailangang gawin ngunit habang kausap ko ang kaibigan ko ay naikwento ko na muntikan ko ng ipasa sa kapwa kaibigan namin ang komisyong ito. Alam kong kaya niya sapagkat espesyalisayon niya ang subject na kinokomisyon ko.

Isip negosyo, iba ang gagawa, maliit ang bigay, malaki ang kita.

“Hindi niya siguro gagawin iyan, napagusapan namin nung nakaraan eh, parang ayaw niya kasi mga guro daw tayo at hindi maaring tayo mismo ang bumabali sa pangako natin.”

Nabilaukan ako.

Ito ang unang beses na narinig ko ang ganitong reaksyon sa kabila ng intensyon ko na magbigay ng trabaho — para ba makatulong.

Mali, nabilaukan ako, hindi dahil sa panibagong perspektibo, kundi dahil alam ko naman ang punto na ito, matagal na, bago ko pa man pasukin ang pagkokomisyon.

Tinalikuran ko ang aking kaibigan at ipinakita kong wala naman akong pakialam sa sinabi ng kapwa kaibigan ko.

First time kumbaga? Unang beses narinig, tapos wala lang pakialam kasi normal naman na magkaiba ang opinyon sa bagay-bagay.

Umuwi na lang ako, taimtim na natulog, at nagising para sa klase ko kinabukasan.

Binilisan ko na naman ang pagkayod sa makati kong katawan, napansin kong nakatulala na naman ako habang naliligo. Sa totoo lang mahirap kalabanin ang lumulutang na sarili at malatoneladang katawan kung kailangan mong maging maaga para sa klase na arimunhan kung maipapasa mo o hindi.

Dali-dali kong sinandok ang bagong saing na kanin at kumurot ng ulam na pampalubag loob sa dila kong nalapnos na naman dahil sa kakuparan kong gumayak.

Napaso na naman ako, ulit, hindi ko niluwa, nilunok ko, sayang eh, tsaka sanay na naman ako.