KAPAKINABANGAN
…dahil sa flexible learning, isinalba ang mahigit isang taon kong pagkakakulong sa lungga naming tahanan. Dahil din sa flexible learning kaya hindi kinalawang ang aking utak at kaalaman. Dahil sa flexible learning, nagkaroon ng saysay ang edukasyon ko sa gitna nitong kamalasan.
Simula pa lamang ay nais ko na agad puntuhin ang ipinuputok ng butsi ko: Marahil karamihan sa inyo ay may masamang pananaw sa flexible learning dahil sa napakaraming sagabal dito. Tulad ng kawalan ng internet connection at kagamitang teknolohiya sa pag-aaral. Pero kung pakalilimiin, ang isinagawang flexible learning ay napakalaking tulong sa mag-aaral sapagkat ang isang mag-aaral ay nagagampanan ang napakaraming katauhan sa iisang katawan. Siya’y nakapagtratrabaho kasabay ng pagiging estudyante.
Napakaraming negatibong reaksyon, subalit di naman binibigyang-pansin ang mga magagandang resulta nito. Tulad na lamang ng mga estudyanteng nagtratrabaho, hindi na nila kinakailangan pang lumiban sa kaniyang trabaho upang pumasok sa paaralan. Sapakat maaari na siyang makapag-aral kasabay ng kaniyang trabaho.
Hindi ko maintindihan kung anong kaisipan ang mayroon sa mga tao na ang hilig ay pumuna at magreklamo. Hindi pa nga nagsisimula ang dami na agad kontra.
Tandaan! Edukasyon ninyo, ng mga anak ninyo at kapatid ninyo ang nakasalalay sa usaping ito. Tayo/Kayo na nga ang ginawaan ng paraan upang hindi masayang ang isang taon na pagkakakulong sa sari-sarili nating tahanan may gana pa kayong mag-reklamo?
Hindi niyo ba napapansin ang halaga at magandang bunga ng flexible learning? Dahil sa pamamaraan ng ganitong pag-aaral maraming mga tambay ang nakapagpatuloy ng pag-aaral at nakatapos. At hindi lamang iyan, dahil sa ganitong pag-aaral maraming estudyante ang nakapag-aaral habang nagtratrabaho. Sapagkat maaari silang makiisa sa kanilang online class kahit sila ay nasa duty o kalagitnaan ng trabaho. At maaari din nilang sagutan at tapusin ang kanilang modyul sa pag-uwi nila sa kanilang tahanan.
Marahil sa flexible learning ay maraming aberya tulad ng mala-pagong na koneksyon sa internet. Ang kawalan din ng kagamitan sa pag-aaral tulad ng cellphone at computer na kagamitan sa pananaliksik para sa kanilang pag-aaral ay kasama pa.
Bagaman may pangyayaring ganito, hindi ba’t nasolusyunan na ito ng gobyerno? Nagkaroon na programa ang pamahalaan nasyonal at lokal kaisa ang Department of Education, sa pamamagitan ng pamamahagi ng tablets at cellphones na maaaring magamit ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral.
Kung inyong sasabihin na mahirap ang flexible learning dahil online o modular at walang katabi na guro upang mapagtanungan, halina’t balikan natin noong normal pa ang lahat.
Ang pagsasagot ng aralin ay limitado lamang sa minuto, kumpara ngayon na maaari mong tapusin ang aralin sa loob ng isang linggo o higit pa.
Sa normal na pag-aaral, may gurong maaaring pagtanungan kapag mayroon hindi maintindihan. Subalit, kalimitan hindi nagagawang magtanong sapagkat nahihiya. Subalit ngayon nagagawa mong maunawaan ang mga aralin na hindi maintindihan. Dahil moderno na ngayon isang click lang ay lalabas ang sagot sa iyong katanungan.
Magkabilang panig ay aking binigyan ng katwiran, maging ito man ay negatibo o positibo. Subalit kung inyong napansin ay mas pabor ako sa positibong resulta ng flexible learning.
Sapagkat, dahil sa flexible learning, isinalba ang mahigit isang taon kong pagkakakulong sa lungga naming tahanan.
Dahil din sa flexible learning hindi kinalawang ang aking utak at kaalaman. Dahil sa flexible learning nagkaroon ng saysay ang edukasyon ko sa gitna nitong kamalasan.