KANINONG PANGALAN ANG IYONG IUUKIT?
Halika, samahan mo ako. Tayo ay magpupulot ng bato, ilalagay natin ito sa kahon at siya nating ibabaon sa lupa. At sa mga batong ito ay ating iuukit ang mga pangalan ng mga taong lumapastangan sa tinatangi nating Inang Bayan.
Bago ang lahat, ibukas muna natin ang ating mga kamay mula sa matinding pagkakakuyom nang atin nang masimulan ang paghahanap at pagpupulot ng mga bato. Oh, ito ang supot mo, at ito naman ang supot ko. Ano nga bang klase ng bato ang ating kailangan? Simple lang, heto, makinig ka at tandaan mong mabuti.
Mga batong makakapal. Mga batong kasing kapal ng mukha ng mga taong nasa tugatog na ang kasamaan at ganid ngunit nagagawa pang ngumiti at humagikhik. Kasing kapal ng perang ibinubulsa imbis na iambag para sa ikabubuti ng masa, kasing kapal ng mga petisyon, mga suhestiyon ng mga taong gusto lamang tumulong ngunit ang basurahan lang yata ang naging tugon.
Mga batong hindi gumagalaw. Hindi gumagalaw kung hindi mo kakantiin, kawangis ng mga politikong tila manikang de susi. Walang kilos kung hindi mo aapurahin. Nakapagtatakang bakit sa palahaw ng masa’y tila hindi nila naririnig ngunit isang ungot ng amo’y agad nilang dinirinig?
Mga batong malalapad. Malapad upang madaling sulatan. Maraming espasyo para sa sangkatutak nilang maskara. Sa ilang beses nilang pagbabalat-kayo, tunay ngang ang buwaya’y maaari pa lang magmukhang tao.
Mga batong mukhang bato. Saan ko sila maihahalintulad? Hindi ko alam pero tiyak na hindi sa kanila. Hindi sa mga trapo-litikong tila wala nang dangal, anaki sa daing ng kapuwa nila’y wari’y nawalan na ng pakialam.
Kaya huwag kang mag-alala, kahit ano pang puno ng supot mo, kaya mo iyang buhatin. Isipin mong para lang ‘yang latang walang laman, parang ulong sinidlan lamang ng hangin, tila pusong binalot lang ng sakim. Hindi iyan mabigat sa kadahilanan na pawang mga bagay na walang kahalagahan lang ang kanilang pinaggugugulan. Tunay na kapangyarihan, bundok- bundok na kayamanan, at buhay na walang hanggan: tatlong bagay na pilit nilang inaasam, tatlong bagay na walang tunay na kahulugan.
Heto na, lipunin na natin ang ating galit at siya nating isalin sa bawat linya, bawat guhit, at bawat tuldok ng mga pangalang ating iuukit. Tiyak na sasakit ang iyong kamay, mamamanhid ang iyong likod, mangangalay ang iyong braso ngunit ang silakbo ng iyong galit ay tiyak na hindi mapapawi. Sapagkat sa bawat pangalan na iyong iuukit, ay daan-daang bangkay ang nakalakip, libo-libong kayamanan ang nakupit.
Sa wakas, atin nang ilalagay sa kahon nang maibaon na agad natin sa lupa. Ay! Sa labas nga pala ng kahon ay huwag mong kalimutang isulat, “ITO ANG MGA TAONG NAGLIBING SA INYO.”
Bakit nga ba natin ito ginawa? Dahil hindi dapat makalimutan kailanman ang mga taong lumapastangan sa ating Inang Bayan. Dekada man ang lumipas, ilang tapak man bago mahukay ang kahon, ay hindi mahalaga. Tandaan nilang ang kasalukuyan man ay mabait sa kanila, asahan nilang sa hinaharap, ang hagupit ng paniningil ng nakaraan ay ‘di nila kayang takbuhan.